Itinakda ang Fire Prevention Month sa Pilipinas ngayong buwan ng Marso dahil ito ang panahon kung kailan pinakamaraming naitatalang sunog sa buong taon. Dahil dito, pinaaalalahanan ang lahat na mag-ingat upang maiwasan ang sunog at para sure na manatili tayong ligtas, narito ang ilang safety tips: 1. SIGURADUHING AYOS ANG MGA WIRING. Madalas na sanhi ng sunog ang mga faulty electrical wiring, kaya suriin agad ang mga kawad ng kuryente sa bahay. Kung may kailangang ayusin, gawin ito agad at palitan ang mga wiring na medyo luma na.
2. ‘WAG MAG-OVERLOAD NG MGA SAKSAKAN. Hindi tayo dapat saksak lang nang saksak ng appliances kung hindi tayo sigurado na kaya nitong suportahan ang dumadaloy na kuryente. Madalas na nangyayari ang overload kapag gumagamit ng octopus connection at sabay-sabay na umaandar ang appliances na malakas sa kuryente.
3. BUNUTIN ‘PAG HINDI GINAGAMIT. Kung hindi ginagamit ang TV, aircon o electric fan, mabuting bunutin ang plug sa saksakan dahil kahit nakapatay na, kumokonsumo pa rin ito ng kuryente. Nakatipid ka na sa kuryente, safe ka pa sa sunog. ‘Wag itong kalimutang gawin bago matulog at kapag aalis ng bahay.
4. BANTAYAN ANG NILULUTO. Hindi lang pagkain ang puwedeng masunog kapag hindi natin binantayan ang ating niluluto dahil maaari ring masunog ang bahay. Dahil dito, make sure na hindi kayo aalis ng kusina hangga’t hindi kayo tapos magluto, gayundin, ‘wag mag-iwan ng flammable objects malapit sa kalan dahil maaari itong magliyab kapag hinangin ang apoy ng kalan. Pagkatapos magluto, ugaliing patayin ang gas at kalan.
5. ILAYO ANG POSPORO O LIGHTER SA MGA BATA. Isa rin ito sa mga madalas na dahilan ng sunog, kaya naman siguraduhing maitatabi ang mga ito sa lugar na hindi nila maaabot o mabubuksan. Mahalaga rin na maipaliwanag sa kanila na hindi ito dapat paglaruan dahil maaari itong maging sanhi ng sunog.
6. I-SECURE ANG FIRE EXTINGUISHER. Siguraduhing may fire extinguisher sa bahay nang sa gayun ay agad maapula ang apoy at hindi na lumala. Kapag naapula ang maliit na sunog, mabuting tumawag pa rin ng bumbero upang makasigurado na ligtas na ang paligid.
Hindi lang tuwing Fire Prevention Month tayo dapat mag-ingat dahil applicable ang lahat ng tips na ito sa buong taon. Kapag nagsimula na ang sunog, hindi na natin ito kontrolado kaya para makaiwas dito, make sure na ibabahagi n’yo ito sa inyong mga kaibigan at kakilala. Okie?