Suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga batas na isinusulong ng parehong Senado at Kongreso upang mapaunlad ang pampalakasan sa bansa.
Itinutulak nina Senators Manny Pacquiao at Bong Revilla Jr. ang paglikha ng Senate Bills 193 at 805 o Philippine Boxing and Combat Sports Commission na pinamumunuan ni Senate Committee on Sports na si Senator Bong Go.
Hinahangad nina Pacquiao at Revilla ang pagtatatag ng naturang mga batas upang lumikha ng isang hiwalay na kinatawan ng pamahalaan para pangasiwaan ang mga alalahanin ng propesyunal na boksing sa bansa.
Tumayo bilang resource persons sina PSC chairman William “Butch” Ramirez, PSC commissioner Charles Maxey at Games and Amusement Board (GAB) chairman Baham Mitra, kabilang ang ilang mga kinatawan ng iba’t ibang pribadong sektor at ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Budget and Management, Social Security System, PhilHealth, PAGIBIG Fund, Department of Health, Governance Commission for GOCCs, Elorde Promotions at kinatawan mula sa Muaythai associations.
Iminungkahi ni Ramirez na magkaroon ng mga posibilidad na paraan upang mabigyan ng solusyon ang mga alalahanin na itinaas sa naturang pagdinig tulad ng travel tax exemptions at mga probisyong pang-medikal.
“This is good that we are here and discussing this because we can see how we call all work together,” eksplika ni Ramirez.
Magkakaroon pa ng mga kasunod na pagdinig at konsultasyon upang maipagpatuloy ang pagtalakay sa mga posibilidad na panukala sa nasabing batas.