Halos lahat sa atin ay may social media account — estudyante, empleyado, karaniwang mamamayan o kahit ang bata na halos wala pang kaalam-alam sa mundo ay meron na rin nito.
Hindi maitatanggi na malakas talaga ang impluwensiya ng modernong teknolohiya sa bawat isa. Pero sa kabila nito, madalas ay umaabot tayo sa puntong pakiramdam natin ay masyado na tayong nagbubuhos ng maraming oras sa social media.
Kaya naman, narito ang ilang signs na kailangan mo na ng social media detox:
1. PAKIRAMDAM NA MAY KULANG ‘PAG OFFLINE. Hindi kumpleto ang araw mo kapag hindi ka nakapag-FB, Twitter, IG etc.. May kuwenta man o wala ang mga posts na binabasa mo o page na iyong binibisita, humaling na humaling ka.
Kaya kahit gaano ka-busy ang schedule mo, mag-o-online at mag-o-online ka pa rin.
2. HINDI KA NATUTUWA SA MGA NAKIKITA MO. May pagkakataon ba na kapag nag-i-scroll ka sa socmed, eh, hindi mo maiwasang mag-‘side-comment’ sa mga nakikita mo?
Walang problema kung positibo ang nasasabi mo, pero kung puro panlalait, mali ‘yan — mali na hayaang dumaloy ang inggit sa sistema mo dahil sa pagkukumpara sa mga bagay na narating o meron ang iba kumpara sa iyo.
3. HINDI NA MABITAWAN ANG GADGET. Kahit saan ka magpunta, hindi mawawala ang cellphone, tablet o anumang gadget na madalas gamitin para makapasok sa virtual world.
‘Ika nga ng mga nanay, mas madalas pang hawakan ng anak nila ang gadget kaysa sa libro o walis tambo. Ang siste, tila kakabit na nila ang bagay na ‘yan na dapat hindi naman.
4. APEKTADO NA NG SOCMED ANG IYONG PRODUCTIVITY. Nakadidismaya na tila wala nang silbi ang library, hindi na pinagagana ang creativity at tinatamad na rin tayong igalaw-galaw ang katawan.
Bakit? Dahil kapag may assignment, project, gusto o kailangang malaman o kapag bored ka lang — wala nang isip-isip — social media agad ang sagot d’yan.
5. WALA NANG TIME SA ‘REAL LIFE’. Kung ikukumpara mo ang oras na iginugugol mo sa socmed — may kinalaman man sa trabaho o pag-aaral — sa time na ibinibigay mo sa iyong pamilya o mga kaibigan, ano ang mas pinaglalaanan mo ng panahon?
Ang socmed ay ‘virtual world’ lamang, kapag walang internet ay wala ka ring access. Maging matalino tayo sa paggamit ng oras at hangga’t maaari ay ilaan natin ito sa tamang bagay.
Walang masama sa paggamit ng social media bilang parte na rin ito ng araw-araw nating pamumuhay, pero tandaan na dapat itong balansehin dahil anumang bagay na gagawin natin nang sobra o kulang ay nakasasama rin.
Okidoki?