Natatandaan n’yo pa ba ang negosyanteng nag-viral dahil sa pambu-bully sa traffic enforcer?
Nahuli-cam ang insidenteng ito at mabilis na kumalat sa social media kaya nakilala ang negosyanteng si Arnold Padilla na nandura at nanapak ng traffic enforcers matapos sitahin dahil sa paglabag sa batas-trapiko.
Kasama ring nanakit sa mga enforcer ang asawa nitong si Glocel Razon at tatlong bodyguards na bumaba ng sasakyan at nagsalitan sa pananakit hanggang sa umatras ang mga enforcer.
Ayon sa pulisya, nagsampa ng reklamo ang mga enforcer laban kay Padilla. Gayunman, agad na natabunan ang isyung ito matapos maaresto si Padilla at bodyguard nitong si Alfie Ortiz sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
Noong Agosto 24, 2018, armado ng search warrant, ni-raid ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dalawang bahay ni Padilla sa San Antonio Street sa Magallanes.
Natagpuan sa isang bahay ang mga baril at shotgun ammunitions sa sling bag ni Ortiz at dalawang canisters na may granada sa cabinet na nasa dirty kitchen. Dahil dito, inaresto sina Padilla at Ortiz at ikinulong nang walang piyansa.
Matapos ang halos dalawang taon, napawalansala sa Makati Regional Trial Court Branch 133 sina Padilla at Ortiz matapos mabigo ang mga prosecutor na patunayang guilty beyond reasonable doubt ang dalawa.
Sinasabing tinaniman ng mga pulis ng ebidensiya ang bahay ni Padilla dahil base umano sa CCTV footage sa kusina, sadyang inilihis ng isang pulis ang CCTV camera upang hindi makita ang diumano’y pagtatanim nito ng ebidensiya.
Matapos kumalat ang balitang ito, maraming nabahala dahil kung napawalansala siya sa mabigat na kaso, paano na ang ibang kasalanan nito?
Porke siga-siga at kilalang pasaway sa lugar, palalagpasin na lang ba ang pambabastos at pamimisikal na ginawa nila sa mga enforcer?
Bagama’t, matagal na ang isyung ito, hahayaan na lang bang hindi makamit ng mga naagrabiyadong enforcer ang hustisya?
Kitang-kita naman sa CCTV footage na sinaktan ni Padilla at mga kasama nito ang mga kawawang enforcer. Palulusutin na lang ba sila nang ganu’n-ganu’n lang?
Mahalaga ring maresolba ang ganitong problema sa bansa para mapatunayang may pangil ang batas at mapanagot ang dapat managot.
‘Wag sanang maglaho na lang na parang bula ang isyung ito at ‘wag nating kalimutan na may naagrabiyado pa rin dito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.