Ipagpatuloy natin ang pagbibigay ng mahahalagang kaalaman tungkol sa darating na super full moon sa March 10, 2020.
Ang full moon ngayong Marso ay super full moon, gayundin, ito ay tinatawag na “worm moon.” Ito ay dahil sa March 10, 2020 ay lilitaw ang mga uod mula sa ilalim ng lupa.
May sikat na kasabihan ang mga Pinoy na hanggang ngayon ay in pa rin at minsan pa nga ay trending sa mga tahanan at ito ay ang “Ang maagang gumigising ay maraming uod na makakain.”
Madalas, ito ang sinasabi ng mga magulang kapag tanghali nang gumigising ang kanilang mga anak, pero ito rin ang sinasabi ng bungangerang misis sa kanyang mister na ayon sa kanya ay batugan dahil tanghali na kung bumangon.
Mahirap makalimutan ang nabanggit na kasabihan sa buhay nating mga Pinoy. Sa amin nga mismo, hanggang ngayon, kapag kaming magkakapatid ay nagkikita-kita, naaalala namin ang aming ina na palaging sinasabi sa aming Kuya Manoling na “Ang ibon na maagang gumigising ay maraming uod na makakain,” kaya lang, sumasagot ang aming kuya ng “Ang uod na maagang gumising, unang mabibiktima ng mga ibon,” pero lihim lang niyang sinasabi ito, as in, hindi naririnig ng ina namin dahil namamalo ng malapad na kahoy ang mga magulang bilang pagdisiplina sa anak.
Nakatutuwa ang mga kuwento tungkol sa mga uod, lalo na kapag dumarating ang Marso dahil masasabing panahon ng paglabas ng mga uod na parang sila ay nagpipiyesta sa dami. May kuwento rin na kapag pumasok ang uod sa suot na damit pang-ibaba ng mga babaeng tagabukid, siya ay sinasabing magkakaasawa.
Sa mga lalaki o binatang tagabukid, kapag ang uod ay pumasok sa kanilang suot, ibig sabihin, lalayo sila sa lupang sinilangan at pagbalik ay may kasama nang misis at supling. Kapag naman pinasok ng uod ang bibig ng mga tsismosa at tsismoso, buong bayan ay magsasaya at sila o ang kuwento nila ay magiging kuwentong bayan sa mahabang panahon.
Kung susuriin ang mga nasa itaas, ang kuwento ng mga uod, anak na tamad na gumising at mga tsismoso at tsismosa, iisa lang ang kauuwian na ang buwan ng Marso ay pagsisimula ng pagganda ng takbo ng negosyo at kalakaran o palitan ng mga paninda at panahon din kung kailan ang mga tao ay mas madalas na makahahawak ng pera dahil panahon ito ng pera.
Barya man o paper money, maliit man o malaki, mabilis ang pag-ikot nito kaya sa kabuuan, ang ekonomiya ng bansa ay magsisimula na ring umangat.
(Itutuloy)