top of page
Search
Sonny Angara

Mass lay-off sa mga kumpanya dahil sa COVID-19, imbestigahan


Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Naglabasan ang mga balita na maramihan daw kung magtanggal ng kani-kanilang empleyado ang ilang kumpanya sa bansa dahil sa pagkalugi dulot ng patuloy na paglala ng COVID-19 sa buong mundo.

Kung totoo ito, dapat itong siyasatin ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil hindi makatarungan sa mga empleyado na tatanggalin sila dahil sa takot sa coronavirus, gayung maayos naman nilang nagagampanan ang kanilang trabaho.

Sa Philippine Airlines (PAL), 300 personnel ang nakatakdang masibak dahil sa patuloy na paghina ng operasyon nito dahil pa rin sa negatibong epekto ng coronavirus.

Kung magtutuluy-tuloy ang mga ganitong pangyayari, mapipilay ang ating ekonomiya at maaapektuhan ang kabuhayan at kalakalan sa bansa.

Sabihin na nating wala pang mga panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa, wala nang nasawi matapos mamatay ang isang Chinese national noong Enero, pero ito ang dahilan kaya mawawalan ng trabaho ang 300 PAL employees. Nakalulungkot naman ito.

Maging sa Hong Kong, napakarami raw sa ating mga OFW, partikular ang mga domestic helper, ang tinanggal na sa trabaho ng kani-kanilang amo. Ang dahilan, mas minabuti ng mga employer na takasan ang kanilang lugar dahil sa takot sa virus outbreak.

Kaugnay ng pangyayaring ito, nananawagan din tayo sa DOLE na alamin ang kalagayan ng ating mga kababayang OFW sa Hong Kong upang agad silang matulungan.

At para naman sa napipintong negatibong epekto sa kalakalan ng patuloy na paglala ng COVID-19, umaasa tayong may mga kaukulang hakbang ang pamahalaan para matiyak na mapangangalagaan ang kalagayan ng ating ekonomiya.

Kung may mga sapat na tulong na nagagawa ang gobyerno para iligtas ang mamamayan, kasabay nito ay kailangang may mga solidong plano rin para sa ikaliligtas ng iba’t ibang sektor at industriya sa bansa.

Dapat, ngayon pa lang, iniimbestigahan na ng DOLE kung anu-anong kumpanya ang nagsasagawa ng mass lay-off, maging ang dahilan man ay ang COVID o ibang suliranin ng kumpanya. Hindi lahat ng kumpanyang ito ay kasinglaki at kasingyaman ng PAL na kayang bayaran ang mga inaalis na empleyado.

Paano naman ang maliliit na negosyong umaasa lamang sa foreign visitors tulad ng mga tour guide at bed and breakfast operator?

Ito ang pagkakataon upang mapatunayan ng pamahalaan ang kanilang pagmamalasakit sa mamamayan. Huwag sana nilang hayaang mapariwara ang ating mga kababayan dahil sa mga suliraning ito.

Siguruhin nating sakop ang ating mga apektadong kababayan sa mga programang pangkabuhayan ng gobyerno para naman hindi sila tuluyang mawalan ng pag-asa.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page