Isang panalo na lang ang kinakailangan ni 2019 World silver medalists Eumir Felix Marcial upang makapasok sa Tokyo Olympics matapos gulpihin ang Australian boxer na si Kirra Ruston sa preliminary rounds ng Asia-Oceania Boxing Qualification Tournament sa Prince Hamzah Sports Hall sa Amman, Jordan.
Ginamit ng top seeded na si Marcial ang kanyang mahusay na kumbinasyon na right uppercut at right hook gayundin ang mga patama sa katawan upang dominahin ang Aussie boxer sa 5-0 unanimous decision sa men’s under-75kgs middleweight division.
Maingat na iniwasan ng 2019 Southeast Asian Games gold medal winner ang mga delikadong jabs at orthodox style ni Ruston upang maiselyo ang laban kay Byamba-Erdiene Otgonbaatar ng Mongolia sa quarterfinals sa Linggo ng hapon, Marso 8, na tinalo naman sa pamamagitan ng 5-0 victory si Ahmad Ghousoon ng Syria sa sarili niyang preliminary bout.
Sakaling talunin ni Marcial, 24-anyos ang Mongolian boxer at makatuntong ng semifinals ay tiyak na makapapasok na ito sa 2020 Summer Games na nakatakdang magbukas simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan. Binibigyan ng limang silya ang middleweight division, kung saan ang apat na semifinalist at isang top player sa quarterfinals ang makapapasok sa Olympiad.
Hindi naman nagawang makausad ni 30th edisyon light-welterweight champion James Palicte sa sumunod na round matapos malasap ang 0-5 unanimous decision pagkatalo kay Elnur Abduraimov ng Uzbekistan sa men’s under 63kgs lightweight category.
Samantala, susubok sina Philippine meet gold medal winner Carlo Paalam, silver winner Irish Magno, at bronze medalist Ian Clark Bautista na maipagpatuloy pa ang kani-kanilang mga misyon na makapasok sa Tokyo Olympics sa pagharap nila sa kanya-kanyang laban at dibisyon ngayong araw, Sabado.
Susuntok naman sa men’s under-52kgs flyweight class si Paalam kontra kay Ramish Rahmani ng Afghanistan sa preliminary rounds. Bitbit ang motibasyon sa unang panalong nakuha sa round-of-32 laban kay dating World Youth champion Hayato Tsutsumi sa iskor na 3-2, gagantihan ni Bautista si Chatchai-Decha Butdee ng Thailand sa round-of-16 match nito.