top of page
Search
Lolet Abania

Dahilan kaya kumakain ng ostiya sa banal na komunyon

Marami sa mga Kristiyano ang kumakain ng ostiya o tinapay na hindi tunay na nauunawaan kung ano ang kahalagahan nito, tulad din ng alak o katas ng ubas na kasamang iniinom sa tuwing ginagawa ang Banal na Komunyon, gayundin, ang pinagmulan at saan gawa ang espesyal na tinapay na ito na isang napakahalagang simbolo ng katawan ng Panginoong HesuKristo.

1. HOSTIA. Ang ‘hostia’ (ostiya) na mula sa salitang host ay Latin word na ang ibig sabihin ay ‘sacrificial victim’. Ang simbolong ito ay binigyang-paliwanag noong panahong ginawa ang Huling Hapunan ng Panginoong HesuKristo kasama ng 12 alagad bago ang kamatayan Niya sa krus.

Inihalintulad ni Kristo ang tinapay sa kanyang katawan at ang alak sa kanyang dugo.

2. MATZAH. Ang espesyal na tinapay na tinatawag na “Matzah”, na kinakain noon tuwing pista ng Paskuwa o Passover ay nagsimula noong panahon ni Moises at ng mga Israelita nu’ng gabi bago sila umalis sa Ehipto.

Isang flatbread o malutong na tinapay ang matzah o matsa na walang pampaalsa na gawa sa arina at tubig. Dinuduru-duro ang matsa at hindi pinapayagang umalsa bago umorno o habang umoorno para ang kalabasan ay malutong at patag na tinapay.

Ito ang pagkain ng mga Jewish o Hudyo at dito nagmula ang ostiya.

3. UNLEAVENED. Sa aklat ng mga Hudyo na Mishnah, dito mababasa ang kanilang turo tungkol sa tinapay na matzah na kailangang unleavened o walang lebadura o pampaalsa.

Ang lebadura ay inilarawan sa sin o kasalanan at ang tinapay ay si Kristo. Marapat na ang tinapay (sumisimbolo kay Kristo) na ating kakainin ay walang bahid ng kahit konting lebadura (sumisimbolo sa kasalanan) dahil Siya ay ipinanganak na walang pagkakasala.

4. BAKED. Isa pang katotohanan na ang matzah o tinapay ay kailangang baked o niluto sa pugon. Noong unang Paskuwa, kailangan ang katawan ng tupa ay ihawin at ang apoy ay simbolo ng judgment o kapan. Nag-aalay ang mga Hudyo ng tupa sa altar bilang kapatawaran ng kanilang kasalanan.

Ang katawan ni Kristo ay katulad ng tinapay na ipinasok sa pugon ng kaparusahan at dahil ang parusa sa kasalanan ay kamatayan, kaya siya ay ipinako sa krus at namatay para sa kabayaran ng ating kasalanan.

5. PIERCED AND STRIPES. Ang tinapay ay kailangang pierced and stripes o may butas at guhit. Ito ay makabuluhan sa propesiya ni Isaiah tungkol kay HesuKristo, na Siya ay tulad ng ostiya na sadyang nabugbog at nasugatan ang katawan para sa kabayaran ng ating kasamaan at kasalanan.

Dahil dito, ang Kanyang mga latay, pahirap na dinanas at mga hampas na tinanggap ay para sa kagalingan ng ating mga sakit at kapatawaran ng ating kasalanan.

Kapag nakikibahagi tayo sa Banal na Komunyon kung saan ang ostiya na sumisimbolo sa bugbog na katawan at ang alak na sumisimbolo sa dugong ibinuhos sa krus ng kalbaryo, inaalala natin ang kamatayan ng Panginoong HesuKristo at kung anong sakripisyo ang Kanyang ginawa para sa atin.

Ito rin ay katunayan ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao at sa tuwing kakain tayo ng ostiya at iinom ng saro ay idinedeklara natin ang ating pananampalataya bilang Kristiyano at pag-ibig sa ating Diyos.

Gets mo?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page