Dear Doc. Shane, Mula nang mag-menopause ako ay napansin kong numinipis ang aking buhok. Hindi ako sigurado kung nasa lahi namin ito pero sabi nila ay hindi naman halata ang pagkapanot sa mga babae kumpara sa mga lalaki. May kaugnayan ba ang menopausal period sa unti-unting pagnipis ng buhok?
- Zenaida

Sagot Sa normal na kondisyon, ang buhok ng tao ay nalalagas ng 50 hanggang 100 piraso bawat araw na ayon sa pag-aaral ay bahagi ng normal na pagtubo, pagpapahinga at pagbabago ng mga ito.
Kapag ang buhok ay nasa estado o proseso ng pagpapahinga, kusa itong lumuluwag mula sa pinakaugat at kusang nalalagas. Sa loob lamang ng ilang buwan, bagong buhok ang tutubo sa mismong puwesto ng pinaglagasan nito.
Kapag ang tao ay nadaragdagan ang edad o tumatanda, normal lamang na maging manipis ang buhok para sa kababaihan at kalalakihan. Subalit, higit na marami sa kalalakihan ang nakararanas ng higit na pagkawala ng buhok na ayon sa mga eksperto ay dahilan ng namamanang kondisyon na tinatawag na male pattern baldness o androgenic alopecia.
Ito ay normal na nangyayari anumang panahon matapos ang panahon ng kanilang kabataan.
Tipikal na nagsisimula ito sa mabagal na pagnipis ng buong buhok sa anit. Pagkatapos nito, ang buhok ay umuurong mula sa noo at numinipis sa bandang gitna. Nag-iiwan lamang ito ng buhok na nakalawit palibot sa likuran ng ulo hanggang sa mga tainga.
Ang mga hair follicles sa bahaging nakakalbo o napapanot ay tumutunaw ng androgen, ang hormone ng lalaki, sa kakaibang paraan kaysa sa ibang bahagi ng katawan at ng anit. Ito ang dahilan upang ang mga hair follicles ay umurong. Ang pagtubo ng buhok ay bumabagal, hanggang sa kinalaunan ay namamatay ang buhok na nauuwi sa pagiging permanenteng pagkapanot.
Samantala, ang mga babae naman ay maaari ring makaranas ng pansamantalang pagkalagas ng buhok dahil sa mga pagbabago sa kanyang hormone sa panahon ng pagbubuntis, menopause o post-menopausal hormone therapy.
Kapag ang babae ay nakakalbo o nalalagasan ng maraming buhok sa panahon ng kanyang pagme-menopause, ito ay dahil sa malaking pagbabago sa antas ng androgen at ito ay maaaring namana niya sa kanyang mga magulang o ninuno. Kapag labis naman ang pagpapabanat ng buhok, pagkukulay o pagtirintas nang sobrang higpit, maaari ring maging dahilan ang mga ito sa pagkalagas ng buhok.
Kaya naman, makabubuti na habang bata o hindi pa nagkakaedad ay alagaan natin ito nang mabuti. Hangga’t maaari ay iwasan ang paggamit ng mga kemikal na may matatapang na ingredients na posibleng makaapekto sa maagang pagkasira ng buhok.