Nais na gawing lungsod o city ang munisipalidad ng La Trinidad Benguet. Inihain ni ACT-CIS Partylist Representative Eric Yap ang House Bill No. 6366, na naglalayong ma-convert bilang component city ang mga capital town ng mga lalawigan na walang component city sa kanilang territorial jurisdiction, gayundin ang HB No. 6367 na naglalayon namang i-convert ang munisipalidad ng La Trinidad bilang isang component city at kilalanin ito bilang City of La Trinidad.
Ayon naman sa legislative caretaker ng lalawigan, ang mga mamamayan pa rin ng Benguet ang mayroong pinal na salita hinggil sa cityhood ng La Trinidad.
Sinabi ng mambabatas na kung tuluyang maisusulong ang naturang conversion ay magreresulta ito sa pagkakaroon ng ‘full economic potential’ ng munisipalidad ng La Trinidad, dahil magiging daan ito para sa higit pang pag-unlad at karagdagang serbisyo para sa kanilang lumalaking populasyon.
“Ang nais lang natin ay magkaroon ng mas mataas na budget para sa La Trinidad, na matutupad lamang ‘pag ito ay na-convert bilang lungsod. Kapag mas maraming budget, mas maraming proyekto at programa pa ang ating maiapaabot, hindi lang para sa mga taga-La Trinidad, pati na rin sa mga karatig-bayan,” paliwanag ni Yap.
“Gusto natin makilala ang La Trinidad bilang La Trinidad City, at hindi lang bilang katabi ng Baguio City. We want a unique identity for La Trinidad, and for Benguet as a whole,” aniya pa.