Marahil, marami sa atin na ang alam ay kulang ang ribs o tadyang ng mga lalaki kumpara sa mga babae. Pinagbasehan kasi ang nakasulat sa Bibliya tungkol sa paglikha ng Diyos sa lalaki at babae. Pero alam ba ninyong hindi talaga kulang ang tadyang ng lalaki? Heto ang kaalaman tungkol sa tadyang o ribs ng tao: 1. TADYANG O RIBS. Sa anatomy at vertebrate ng tao, ang mga tadyang o ribs ang mahahabang nakabaluktot na mga buto na bumubuo sa kulungang tadyang o rib cage. Sa karamihan ng mga vertebrate, nakapaligid ang mga tadyang sa dibdib at pumoprotekta sa mga baga, puso at iba pang internal organs.
2. PARES NG TADYANG. Parehong mayroong 12 pares ng tadyang ang mga babae at lalaki. Ang unang pitong pares ng ribs ay tinatawag na true ribs at konektado sa sternum o breastbone. Ang natitirang limang pares ng tadyang ay false ribs na hindi direktang nakakabit sa sternum. May tatlong tungkulin ang ribs. Una, nagbibigay ng proteksiyon sa baga at puso. Ang tadyang ang kulungan ng mga mahahalagang internal organs. Ikalawa, ito ang isa sa mga buto na patuloy na gumagawa ng red marrow at blood cells sa mga tao. At ikatlo, ito ang nagsisilbing attachment points sa chest muscles na kailangan sa paghinga.
3. REGENERATE O MABUHAY MULI. Kung ang mga buto ay nare-repair o naaayos at bumabalik sa dati, ang ribs ay kayang mag-regenerate o mabuhay muli at tumubo. Kapag inalis ang rib mula sa periosteum o tissue na nakapalibot sa buto kung saan lahat ng buto ng tao ay mayroon nito, ang periosteum na nanatili sa loob ay may taglay na osteoblasts na gumagawa ng panibagong rib bone. Ang rib periosteum ay may espesyal na abilidad kumpara sa ibang buto na mayroon ang tao dahil kaya nitong mag-regenerate ng panibagong buto.
4. KUMPLETONG TADYANG. Bagama’t malinaw ang nakasulat sa Bibliya, sa Genesis 2:21-22 na “… at kinuha ang isa sa kanyang mga tadyang at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon… ang tadyang na kinuha ng Panginoong Diyos sa lalaki ay ginawang isang babae, at ito’y dinala sa lalaki… siya’y tatawaging babae, sapagka’t sa lalaki siya kinuha,” kumpleto ang ribs ng mga lalaki tulad ng mga babae. Kung ang pagkakaalam ng marami ay kulang ang tadyang ng lalaki dahil kinuha ang isa nito at ginawang babae, hindi ito maaaring mangyari. Ipinaliwanag dito na kinuha at pinaghihilom ang laman. Ibig sabihin, inalis subalit tumubo at bumalik sa dati. Ang Diyos ang gumawa ng unang surgery sa tao at nagpabalik nito sa dati, katulad din ng paliwanag ng medisina at siyensiya.
Ang pagkalikha ng Diyos sa tao ay kumpleto at maganda. Hindi maaaring may kulang dahil ginawa ang tao mula sa Kanyang wangis, maging babae man o lalaki. Wala ring nilikha ang Diyos na pangit dahil lahat ay magaganda. Palagi lang nating tatandaan na babae man o lalaki ay pantay sa paningin ng Diyos.
Okie?