top of page
Search
Twincle Esquierdo

Hindi paghihiwalay ang solusyon... Tips para tumatag ang buhay-mag-asawa kahit nag-aaway

No Problem

Normal lang na mag-away ang mag-asawa dahil sa hindi pagkakaunawaan bunsod ng magkaibang opinyon, paniniwala at kinalakihan o kinagisnan. Ngunit kung ang kanilang bangayan ay posibleng mauwi sa hiwalayan, masisira ang pamilyang binuo nila.

Kaya naman kung mapag-uusapan nang maayos ang mga bagay na inyong pinagtatalunan, gawin ito at ‘wag nang patagalin o palalain pa. Narito ang ilang paraan para hindi masira ang inyong relasyon sa kabila ng inyong pagtatalo:

1. MAG-USAP NANG MAAYOS. Isa ito sa mga paraan para maging maayos ang inyong relasyon dahil sabi nga, walang problemang hindi malulutas sa maayos na usapan. Kaya anuman ang problema ninyong mag-asawa ay pag-usapan ito agad nang hindi lumala ang inyong bangayan.

2. MATUTONG MAKINIG. Pakinggan ang opinyon ng bawat isa o ilagay ang sarili sa lugar ng inyong kapareha upang maunawaan n’yo siya. Sa ganitong paraan, mas magkakaintindihan kayo at maiiwasan ang bangayan.

3. MAGPASENSIYA AT MAGPATAWAD. Magpasensiya ka at patawarin mo ang anumang nagawa ng kapareha mo. Mahirap mang kalimutan, mas makabubuti nang hindi ito mabanggit para hindi na maungkat pa ang nakaraan kapag kayo ay muling nag-away.

4. IWASANG MAGTAAS NG BOSES. Hindi naman maiiwasan ang pagtataas ng boses, lalo na kapag ikaw ay galit dahil dala na rin ng emosyon. Ngunit, makapagdudulot ito ng sama ng loob at makapagpapalala ng inyong hindi pagkakaintindihan kaya hangga’t kayang kontrolin ang boses ay panatilihin n’yo ito.

5. MAGING TOTOO. Umamin kung may nagawang pagkakamali at huwag kang maglihim sa partner mo dahil siguradong masasaktan lang siya kung nalaman niyang matagal mo na itong itinatago. Maging totoo ka nang sa gayun ay maging maayos ang inyong pagsasama.

6. MAGTULUNGAN SA LAHAT NG GAWAIN. Siyempre, mag-asawa na kayo kaya kailangang maging balanse ang bawat gawain sa loob at labas ng tahanan. Mabuting magtulungan kayo kahit na meron kayong iba’t ibang obligasyon sa trabaho at pamilya.

7. MAGING TAPAT AT MAG-TIWALA SA ISA'T ISA. Ilang beses na nating nababanggit na kaakibat ng pagmamahal ang tiwala dahil kung wala kang tiwala, masasabing hindi mo mahal ang iyong asawa. Kaya dapat ay hindi nawawala ang mga nabanggit sa mga magkarelasyon.

Kaya sa mga mag-asawa, palagi ninyong isipin ang relasyon at pagmamahalang nabuo n’yo dahil hindi hiwalayan ang solusyon para maging okay kayo. Pag-usapan at pakinggan n’yo ang opinyon ng bawat isa.

Makatutulong ang mga nabanggit para mapanatiling buo at maayos ang inyong pamilya. Kaya naman mga ka-BULGAR, anuman ang dahilan ng pag-aaway ninyong mag-asawa ay gawan n’yo agad ito ng paraan upang hindi na maapektuhan ang inyong mga anak. Okie?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page