top of page
Search

Away-trapiko.. Chinese binaril sa mukha ng rider

Mylene Alfonso

Sugatan ang isang Chinese national matapos barilin sa mukha ng nakaalitang motorcycle rider sa gitna ng pagmamaneho sa kahabaan ng P/BurgosSt., Ermita, Manila, kahapon ng madaling-araw.

Ginagamot sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang si Wenyan Shao, lalaki, 43, negosyante at residente ng Binondo, Manila, dahil sa tinamong bala sa pisngi.

Patuloy pang gumagawa ng paraan ang mga awtoridad para matukoy ang suspek na inilarawang lalaki na sakay ng Honda Click motorcycle na kulay itim at orange at walang plaka.

Sa ulat nina P/Corporal Nasser S Ismael at P/Staff Master Sgt. Aldrin Bacho, ng MPD-Station 5, naganap ang insidente ala-1:15 ng madaling-araw sa harap ng National Museum, Ermita, Manila.

Isang rider naman ang nakasaksi na kinilalang si ‘Leo’, 22, personnel ng isang vallet parking.

Habang siya ay nagmamaneho malapit sa Planetarium, nakita niya ang pagtatalo ng suspek at biktimang nagmamaneho ng Toyota Camry na itim mula sa Katigbak Road at pagsapit sa tapat ng National Museum, sa Finance Road, dahil sa red traffic light ay pansamantalang huminto ang dalawa at narinig niya ang putok ng baril.

Sa patuloy na pagmamaneho ng biktima ay bumangga siya sa poste sa center island sa tapat ng KKK Monument sa P. Burgos St., habang tuluy-tuloy sa pagtakas ang rider/gunman sa direksiyon ng Jones Bridge.

Dahil dito, humingi ng police assistance ang witness sa nagpapatrulyang grupo ng Tactical Motorcycle Riders Units (TMRU) kaya naisugod sa ospital ang biktima.

Nabatid na unang tumama ang bala sa kaliwang windshield sa bahagi ng driver’s seat at tumagos patungo sa pisngi ng biktima.

Nakuha sa wallet ng biktima ang halagang P52,600 at iba pang personal na kagamitan nito na itinurnover sa kanyang misis.

Nakuha naman sa CCTV ng Manila City Hall Command Center ang pangyayari.

Posibleng road rage ang sanhi ng pamamaril dahil wala namang kinuha ang suspek sa biktima.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page