Mga besh, depende pala sa taong mahal mo... Iba’t ibang uri ng pagmamahal
- Lolet Abania
- Feb 17, 2020
- 2 min read

Sa tuwing dumarating ang Pebrero, una nating naiisip ang tungkol sa love. Maraming klase ng pag-ibig, mayroong pagmamahal sa ina at ama, kapatid, kaibigan, asawa o kasintahan at pagmamahal sa Diyos.
Heto ang apat na mahahalagang uri ng pagmamahal na magsisilbing gabay natin para malaman kung anong klase ng pag-ibig ang nararamdaman natin sa ating kapwa:
1. Storge Love. Ang storge ay galing sa salitang Ancient Greek na ang ibig sabihin ay familial love o pagmamahal sa kapamilya. Gayundin, ito ang pag-ibig na ibinibigay natin sa ating mga magulang, kapatid, anak at iba pang mahal natin sa buhay o kamag-anak.
Pagmamahal na nabuo at naging dahilan ng pagkabuhay at pag-iral mo sa mundong ito. May malaking impluwensiya ito sa iyong personal at buong pagkatao dahil ang storge love ay punumpuno ng pagmamalasakit at pagmamahal na nanggaling sa kadugo at pamilya.
2. Philia Love. Ang philia ay tinatawag ding philios love na galing sa sinaunang Griyegong salita na ang ibig ipakahulugan ay friendly love o pagmamahal sa kaibigan. Ito ang pagmamahal na ibinibigay natin sa matalik na kaibigan na itinuturing na nating kapatid. Gayundin, pag-ibig na naglalaan ng importansiya sa taong hindi mo kadugo at walang kaugnayan sa ‘yo.
Malaki ang naitutulong ng pagmamahal ng kaibigan sa iyong buhay at kadalasan, siya ang nagiging confidante mo sa panahon na kailangan mo ng kausap at masasabihan ng iyong mga problema. Minsan, siya rin ang nagiging tagapayo sa mga dapat at hindi dapat gawin at higit sa lahat, pagmamahal na may pagpapahalaga.
3. Eros Love. Ang eros ay nagmula sa salitang Greek na ang ibig sabihin ay romantic love o sensuwal na pag-ibig. Marubdob at matinding pagmamahal na nararamdaman at ibinibigay natin sa isang tao at pag-ibig ng babae sa lalaki, gayundin ng lalaki sa babae.
May mataas itong damdamin at emosyon na ipinakikita at ginagawa sa taong pinili nating makasama sa buhay. Dito rin tayo nagsasabi ng “mahal kita” at nangangako sa Diyos ng pagmamahal sa kanya ng buong katapatan. Ito ay pag-ibig sa asawa at kasintahan.
4. Agape Love. Ang agape ay galing sa salitang Griyego na ang kahulugan ay unconditional love o walang kapantay na pag-ibig. Pagmamahal na puno ng sakripisyo at hindi makasarili. Gayundin, ito ang pinakadakilang pag-ibig na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay.
Ang pag-ibig na walang hinihintay na kapalit at hindi alintana ang hirap tulad ng pagmamahal ni HesuKristo sa sangkatauhan kaya Siya nagsakripisyo at namatay sa krus para sa kapatawaran ng ating kasalanan.
Maraming kahulugan ang pag-ibig kung saan ito ang nagbibigay sa atin ng ligaya at contentment sa buhay. Isa itong emosyon na kusang nararamdaman ng tao sa kanyang kapwa. Hindi rin ito kailangang ituro pa at pag-aralan. Kasabay ng pag-iral natin sa mundo ay ang maranasan natin ang mahalin at magmahal. Gets mo?
Comments