Dear Doc. Shane,
Napansin ko na kapag kumakain ako ng karne at beans o nuts, kalaunan ay sumasakit ang hinlalaki ko sa paa. Akala ko arthritis ito pero ang sabi ng bayaw ko, baka raw mataas ang uric acid ko dulot ng gout. Ganu’n ba ‘yun? Ano ba ang ipinagkaiba ng arthritis at gout? - Simon
Sagot
Ang gout ay isang uri ng arthritis. Ito ay sanhi ng mataas na level ng uric acid sa dugo. Kapag mataas ang level ng uric acid sa dugo, nagiging crystals ito at naiipon sa mga kasu-kasuan o joint lalo na sa hinlalaki ng paa o big toe at sa bukung-bukong o ankle.
Ang mga sintomas nito ay matinding pananakit, pamumula at pamamaga ng joints na nabanggit. Kung kasama ang pananakit ng iba pang
joints tulad ng mga tuhod at daliri sa kamay, malamang ito ay hindi gout.
Ano ang sanhi ng gout?
• Sobrang produksiyon ng uric acid mula sa atay at pagtaas ng konsentrasyon nito sa dugo na hindi kayang salain ng kidney.
• Madalas na pagkonsumo ng pagkaing mayaman sa purine o uric acid tulad ng mga laman-loob ng hayop, sardinas, dilis, lentehas o beans, nuts at iba pa.
• Madalas na pag-inom ng whiskey, beer at iba pa.
• Ang mga taong may diabetes at sakit sa bato ay madali ring magkaroon ng gout.
Kapag hindi nagamot agad ang gout, maaari itong makasira ng joints. Ang diagnosis ng gout ay nagagawa sa pamamagitan ng eksaminasyon sa apektadong joint. Kung kinakailangan, maaaring kumuha ng fluid sa apektadong joint upang alamin kung may uric acid crystals ito.
Ang layunin ng paggamot sa gout ay pawiin ang mga sintomas nito at pigilan ang mga susunod pang atake. Maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot tulad ng colchicine, NSAIDs o nonsteroidal anti-inflammatory drugs at corticosteroids.
Ano ang dapat gawin para maiwasan at hindi ito lumala?
• Iwasan ang mga pagkain at inuming nakapagti-trigger nito.
• Ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig.
• Sikaping magkaroon ng regular na ehersisyo.
Gayunman, makabubuti kung maeeksamin ito ng doktor nang sa gayun ay maresetahan kayo ng mga gamot na nakapagpapababa ng uric acid level sa katawan at mabigyan din ng karagdagang payo.