top of page
Search
Shane Ludovice

Pagsakit ng hinlalaki sa paa, sintomas ng gout


Dear Doc. Shane,

Napansin ko na kapag kumakain ako ng karne at beans o nuts, kalaunan ay sumasakit ang hin­lalaki ko sa paa. Akala ko arthritis ito pero ang sabi ng bayaw ko, baka raw mataas ang uric acid ko dulot ng gout. Ganu’n ba ‘yun? Ano ba ang ipinagkaiba ng arthritis at gout? - Simon

Sagot

Ang gout ay isang uri ng arthritis. Ito ay sanhi ng mataas na level ng uric acid sa dugo. Kapag mataas ang level ng uric acid sa dugo, nagiging crystals ito at naiipon sa mga kasu-kasuan o joint lalo na sa hinlalaki ng paa o big toe at sa bukung-bukong o ankle.

Ang mga sintomas nito ay matinding pananakit, pamumula at pamamaga ng joints na nabanggit. Kung ka­sama ang pananakit ng iba pang

joints tulad ng mga tuhod at daliri sa kamay, malamang ito ay hindi gout.

Ano ang sanhi ng gout?

• Sobrang produk­siyon ng uric acid mula sa atay at pagtaas ng konsentrasyon nito sa dugo na hindi kayang salain ng kidney.

• Madalas na pag­konsumo ng pagkaing mayaman sa purine o uric acid tulad ng mga laman-loob ng hayop, sardinas, dilis, lentehas o beans, nuts at iba pa.

• Madalas na pag-inom ng whiskey, beer at iba pa.

• Ang mga taong may diabetes at sakit sa bato ay madali ring magka­roon ng gout.

Kapag hindi nagamot agad ang gout, maaari itong makasira ng joints. Ang diagnosis ng gout ay nagagawa sa pamamagitan ng eksa­minasyon sa apektadong joint. Kung kinakaila­ngan, maaaring kumuha ng fluid sa apektadong joint upang alamin kung may uric acid crystals ito.

Ang layunin ng pag­gamot sa gout ay pawiin ang mga sintomas nito at pigilan ang mga susunod pang atake. Maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot tulad ng colchicine, NSAIDs o nonsteroidal anti-inflammatory drugs at corticosteroids.

Ano ang dapat gawin para maiwasan at hindi ito lumala?

• Iwasan ang mga pagkain at inuming nakapagti-trigger nito.

• Ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig.

• Sikaping magkaroon ng regular na ehersisyo.

Gayunman, makabubuti kung maeeksamin ito ng doktor nang sa gayun ay maresetahan kayo ng mga gamot na nakapagpapababa ng uric acid level sa katawan at mabigyan din ng karagdagang payo.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page