Iba’t ibang sanhi ng malakas at hindi normal na regla
- Shane Ludovice
- Feb 7, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay housewife at may apat na anak. Sa edad kong 38 ay malakas pa rin ang aking regla kung saan halos anim hanggang pitong pads ang nagagamit ko sa isang araw. Wala naman akong kakaibang nararamdaman pero worried ako na baka maging anemic ako dahil dito. Wala na kaming planong magkaanak ng mister ko kaya sa ngayon, ang gamit ko ay IUD. May kaugnayan kaya ito sa lakas ng aking regla? - Connie
Sagot Ang tawag sa ganyang kaso ay menorrhagia. Ito ay ang labis na pagreregla na lampas sa karaniwang panahon ng menstruation ng babae kung saan maaaring makaranas ng malakas na ‘mens’ at kinakailangang magpalit ng kanyang sanitary pad o tampon oras-oras.

Sa karaniwang kaso, ang babae ay nakapaglalabas ng apat hanggang anim na kutsarang dugo sa panahon ng kanyang menstruation. Subalit, ang sukat na ito ay maaaring madoble ng lamad (mucus), selula at piraso ng himaymay (membrane) mula sa endometrium at magmukhang namumuong dugo. Ang dugo na mula sa pagreregla ay karaniwang hindi namumuo dahil ang matris ay gumagawa ng enzyme na sumisira sa mga mekanismong nagiging sanhi ng pamumuo ng dugo.
Ang menstruation ang yugto na nagwawakas ang itlog na hindi pertilisado at dumadaloy palabas sa ari ng babae. Normal lang na malakas ang regla ng babae sa panahon ng pagdadalaga at kung nalalapit na ang panahon ng menopause o menopausal period (tuluyang paghinto ng regla).
Narito ang ilan sa mga sanhi ng menorrhagia:
Paggamit ng Intra-Uterine Device (IUD) na ipinapasok sa ari para maiwasan ang pagbubuntis.
Pagkakaroon ng mga tumor o kanser sa uterus at ang pagbabago ng hormone na may palatandaan ng labis na produksiyon ng estrogen.
Labis na paggamit ng aspirin o iba pang gamot na nakapagpapabilis sa pagnipis ng dugo na maaari ring maging dahilan ng abnormal na menstruation.
Maaaring nakukunan ang babae na siyang sanhi ng malakas na pagdurugo lalo na kung dumating ito sa unang bahagi ng pagbubuntis. May kinalaman sa malakas na pagdurugo ang tubal pregnancy, endometriosis, alta-presyon, diabetes at sakit sa dugo.
Ang mga babaeng naninigarilyo ay limang ulit ang panganib na magkaroon ng menorrhagia kaysa sa mga babaeng hindi naninigarilyo.
Ano ang dapat gawin?
Ang madalas at malakas na pagreregla ay nangangailangan ng kumpletong check-up tulad ng pelvic examination, pap smear, pag-eeksamin sa dugo at ihi. Ang pagsusuri sa hormone ay magtitiyak kung mayroon o walang ovulation o hindi balanse ang produksiyon ng hormone.
Maaaring sumailalim ang babae sa pelvic sonogram at hysteroscopy, na ang matris ay sinisilip sa pamamagitan ng fiberoptic viewing tube at ng D and C (dilation and curettage) na ang cervix ay pinaluluwag, pagkaraan ay kinakayod nang bahagya ang isang bahagi ng pinakadingding ng uterus upang masuri sa anumang sakit na taglay.
Ang malakas na pagreregla ay maaaring sanhi rin ng iron deficiency anemia. Kapag napatunayan ito, iminumungkahi ng mga eksperto ang pag-inom ng suplementong iron. Kabilang sa mga pagkaing mayaman sa iron ang atay at iba pang karne mula sa laman-loob ng hayop, pulang karne, halamang-ugat, tahong, isda, pinatuyong apricot, tinapay at cereal.
Comments