Adamson, ‘di pinaporma ang ADMU sa UAAP Boy’s Elim’s
- VA
- Feb 6, 2020
- 1 min read

Photo: UAAP
Itinanghal na bayani ang second stringer na si Jeremy Guarino nang ibigay nito ang isang napakahalagang panalo para sa Adamson, 79-76, kontra Ateneo de Manila kahapon sa pagtatapos ng elimination round ng UAAP Season 82 Juniors Basketball Tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Ipinukol ni Guarino ang isang triple na nagsilbing winning shot para sa Baby Falcons at nagbigay sa kanila ng huling upuan sa semifinal round.
Binasag ng triple ni Guarino ang pagkakatabla ng iskor sa 76-all upang isalba ang Baby Falcons sa final stretch matapos makahabol ng Blue Eaglets.
May pagkakataon pa sanang kabigin ng Ateneo ang panalo, pero kapos ang 3-point basket ni Lebron Lopez. Nagtapos si Guarino na may 18 puntos, 5 rebounds, 4 assists at 2 steals kasunod ng topscorer na si Jake Figueroa na mayroong 26 puntos, 21 rebounds, 2 steals at 2 blocks.
Bunga ng panalo, kinumpleto ng Adamson ang mga koponang pasok na sa susunod na round. Tinapos na rin nila ang pag-asa ng University of Santo Tomas na umaasa pa namang matalo ang Baby Falcons upang makahirit ng playoff para sa huling semifinals berth. Tumapos ang Baby Falcons na may markang 8-6, panalo-talo kapantay ng kanilang biktima.
Gayunman, ang Blue Eaglets ang naluklok sa ikatlong puwesto dahil mas mataas ang quotient nito.
Nagwagi rin ang UST Tiger Cubs kontra De La Salle Zobel, 94-87 sa ikalawang laro upang magtapos na patas na kartadang 7-7, panalo-talo.
Pero nagkasya na lang sila sa ikalimang puwesto sapagkat na-upset ng Adamson ang Ateneo para maging pang-apat at huling koponang susulong sa playoffs.
Natapos ang kampanya ng Junior Archers na may markang 3-11.