No Problem
Ano ba ang higad? Minsan insekto, minsan tao na dumidikit sa asawa o dyowa mo, charot!
Ang higad ay isang proseso ng life cycle ng paruparo. Scientifically, mayroong 180,000 uri ng higad at iba’t iba rin ang kulay nito, depende sa habitat nila.
Daig pa ng higad ang mga tao dahil mayroon tayong 629 muscles habang ang maliit na insektong ito ay may 4,000 muscles at mayroon silang 12 mata.
Sadyang nakamamangha ang ganda ng mga paruparo, pero tiyak na maba-badtrip ka sa oras na madikitan or worse, makagat ka ng higad.
Anu-ano nga ba ang dapat gawin kapag nadikitan ka ng higad?
1. Huwag mag-panic. Ayon sa mga mananaliksik, ang kamandag ng higad ay mas mabilis kumalat kapag ang biktima ay galaw nang galaw. Kahit sobrang kati nito, calm down, guys!
2. Gumamit ng tiyanI o stick. Kung nalaglagan ka ng higad sa leeg o kahit saang parte ng katawan, huwag aalisin ang higad gamit ang mga kamay. Instead, gumamit ng tiyani o stick para hindi kumalat ang balahibo nito. Matapos alisin ang higad, gamitin ang tiyani para alisin ang mga balahibong naiwan nito na dumikit sa balat.
3. Gumamit ng tape. Sey ng Registered Nurse sa Texas na si Sarah Gehrke, kahit anong uri ng tape — scotch tape, duct tape, masking tape etc. ay maaaring gamiting pantanggal ng naiwang balahibo, sting at toxins sa balat. Kapag naidikit na sa apektadong balat ang tape, gumamit ng panibago para hindi kumalat ang sting.
4. Hugasan ang apektadong balat. Gumamit ng malinis at maligamgam na tubig at sabon para mahugasan ang apektadong balat na nadikitan ng higad.
5. Gumamit ng baking soda. Ayon sa National Capital Poison Center, kapag patuloy pa rin sa pangangati ang balat, maaaring lagyan ng paste na gawa sa baking soda at tubig. Kung wa’ epek pa rin, gumamit ng hydrocortisone o antihistamine cream.
6. I-monitor ang balat. Kapag patuloy pa rin sa pamamaga, pangangati, pagkakaroon ng rashes o pagpapaltos ang balat, kumonsulta na sa doktor sa lalong madaling panahon. Sey din ng National Capital Poison Center, maaaring humantong sa kakailanganing turukan ng anti-tetanus ang pasyente.
Samantala, ang lason na galing sa higad ay maaaring magdulot ng dermatitis, hirap sa paghinga, nausea, pagsusuka, bleeding at renal failure.
Ayon pa sa Board Certified Ophthalmologist and Vitreoretinal Surgeon ng Stanford University na si Theodore Leng, maaari rin itong magdulot ng acute conjunctivitis o pamumula at pamamaga ng mucous membrane ng mata na tinatawag na “conjunctiva”. Kapag nangyari ang acute conjunctivitis, maaaring makaramdam ng pangangati ng mata, blurred vision, pamamaga, pamumula at pagluluha ng mata.
Gayundin, ayon pa sa mga eksperto, kailangang kumonsulta sa doktor dahil maaari itong magdulot ng nakamamatay na allergic reactions dahil sa lason ng higad.
Pero don’t worry, mga ‘tol, dahil sabi ni Vincent Iannelli, MD, board-certified pediatrician and fellow of the American Academy of Pediatrics, maaaring gamutin sa bahay ang caterpillar sting. Puwede itong magamot sa loob lamang ng ilang minuto, oras o isa o dalawang araw, ngunit, kung hindi pa rin naaalis ang pangangati, kailangan na talagang magpatingin sa doktor.
Now we know, mga ‘tol! Maliit, pero nakamamatay pala ang higad kaya ingat-ingat din ‘pag may time!