Patay ang 31-anyos na mister nang aksidenteng mabangga at makaladkad ng tractor head truck sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot sanhi ng pinsala sa ulo at katawan si Jerry Noquiao, 31, residente ng R-10 Sitio, Sto. Niño, ng lungsod.
Nahaharap naman sa kaukulang kaso ang suspek na si Melvin Malintad, 23, ng Tabang, Guiguinto, Bulacan matapos arestuhin nina PCpl. Dennis Daza at PCpl. Christian Bausa, kapwa nakatalaga sa PCP 4.
Sa nakarating na ulat kay Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas, alas-8:20 ng gabi, itinutulak ng biktima ang kanyang motorsiklo sa kahabaan ng R-10, Bgy. NBBS-Proper ng lungsod nang mahagip ito ng kanang gulong ng trak (NIR 847) na minamaneho ni Malintad.
Nakaladkad pa ng ilang metro ang biktima na nagresulta sa kanyang kamatayan habang ginulpi naman ang suspek ng mga nakasaksing bystander.