top of page
Search

Mapapalaban ang Pinoy sa 3rd Badminton Asia Team C'ship

A. Servinio

Malaking hamon ang haharapin ng Pilipinas sa 3rd Badminton Asia Team Championships 2020 matapos ang pormal na bunutan, Miyerkules ng hapon. Kahit dehado, gagamitin ng mga Pinoy shuttlers ang home court advantage upang manggulat sa torneo na tampok ang ilan sa mga nangungunang manlalaro sa buong mundo mula Pebrero 11- 16 sa Rizal Memorial Coliseum.

Nasama ang koponan ng kalalakihan sa Grupo A o tinaguriang na “Group of Death” kasama ang defending champion Indonesia at India. Pangungunahan ang Pilipinas ng numero unong manlalaro na si Ros Leonard Pedrosa at sina Lanz Ralf Zafra, Solomon Padiz, Arthur Samuel Salvado, Philip Joper Escueta, Peter Gabriel Magnaye, Alvin Morada at Paul John Pantig sa ilalim ni Coach Ronald Magnaye.

Ang mga kababaihan ay nabunot sa Grupo Y kasama ang Thailand at Indonesia na nakalaro na nila noong 30th SEAG Ang mga kakatawan sa Pilipinas ay sina numero uno Thea Marie Pomar, Airah Mae Nicole Albo, Sarah Joy Barredo, Mikaela Joy de Guzman, Joella Geva de Vera, Alyssa Ysabel Leonardo, Chanelle Lunod at Maria Bianca Ysabel Carlos at ang kanilang coach na si Ian Mendez. ”This is the first time that many world-ranked players will come over and this will help upgrade our level of play to international standards,” wika ni Alfredo Benitez na president ng Smash Pilipinas-Philippine Badminton Association. “Asian players are the best in the world.”

Sa iba pang resulta ng bunutan, nasa Grupo B ang China, Thailand at Hong Kong, Chinese-Taipei, Malaysia at Singapore sa Grupo C at Japan, South Korea at Kazakhstan sa Grupo D.

Ang defending champion ng kababaihan na Japan ay tampok sa Grupo W kasama ang Malaysia at Hong Kong, South Korea, Indonesia at Kazakhstan sa Grupo X at China, Chinese-Taipei at Singapore sa Grupo Z.

Ang lahat ng aabot sa semis ay makakasali sa Thomas at Uber Cup, ang pinakamalaking torneo ng team badminton sa buong mundo, ngayong Mayo sa Denmark. Makakakuha din ng puntos ang lahat ng kalahok na maari nilang gamitin para sumali sa 2020 Tokyo Olympics.

 
 

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page