top of page
Search

Nanghihila ng buhok sa loob ng bus o dyip, may kasabwat na mandurukot

Jun R. Guillermo

Mga ka-BULGAR, kayo ba ay madalas sumakay ng pampasaherong bus o dyip?

Pwes, para sa inyo ito dahil gumagala ang apat na kilabot na kalalakihan na sumasakay ng mga pampasaherong bus na nagkukunwaring hindi magkakakilala pero magkakasabwat pala sa pandurukot.

Ayon sa biktimang itago natin sa alyas na Menggay, negosyante, sumakay siya sa air-conditioned bus noong Miyerkules ng gabi patungong Bulacan, northbound sa Boni EDSA, Mandaluyong. Dahil puno, walang maupuan at siksikan sa loob ng bus ay wala siyang magawa kundi ang tumayo habang tahimik ang lahat ng pasahero at seryoso ang takbo ng bus.

Dito na pumasok ang modus ng isa sa apat na demonyong kalalakihang suspek nang biglang hilahin ang buhok ng biktima na umano’y hindi sinadya habang hindi niya namamalayan ang pagkuha sa kanyang wallet sa loob ng bag nito.

Dahil sa pangyayari, nagalit ang biktima sa humila sa kanyang buhok habang kumampi o pumanig naman sa kanya ang tatlo pang hinayupak na suspek na mga kasabwat pala ng mandurukot at sabay-sabay din silang nagsibaba ng bus.

Nang mahimasmasan ang biktima at itsek ang kanyang bag, nadiskubre nitong nawawala na ang mahahalagang gamit at pera niya tulad ng P20K at $300 cash, cards at iba pang discount privilege cards.

Gayundin, ang mga ganitong modus ay hindi lamang sa bus kundi maaari rin itong mangyari sa mga pampasaherong dyip.

Paalala natin sa mga ka-BULGAR nating komyuter, pakiramdaman ninyong maigi ang inyong mga katabi lalo na kung siksikan dahil baka mabiktima rin kayo ng mga walanghiyang nanghihila ng buhok!

Sinadya man o hindi, ito ngayon ang modus operandi ng mga halang ang bituka na sumasakay at nambibiktima sa mga pampasaherong sasakyan.

Ikaw kaibigan, ano’ng sey mo?

Palaging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!

Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page