Pimples sa likod, puwedeng maging cyst kapag madalas tinitiris
- Shane Ludovice
- Jan 25, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Marami akong pimples hindi lang sa mukha kundi umaabot na rin hanggang sa likod. Dahil hindi ko maabot ang pimples ko sa likod, pinatitiris ko ito sa BF ko. Ang sabi niya, hindi raw maganda ‘yun dahil baka maging cyst pero dahil naiirita ako ay wala siyang magawa kundi sundin na lang ang gusto ko. Totoo ba na puwedeng maging cyst ang pimples sa likod kapag tinitiris ang mga ito? — Belinda
Sagot Ang pagkakaroon ng back acne o “bacne” ay tulad din ng pagkakaroon ng taghiyawat sa mukha. Kapag mainit o maalinsangan ang panahon, mas mabilis itong dumami dahil mas pawisin ang tao na nagreresulta para kumapit ang dumi kaya nakadaragdag ito sa pagka-clog ng pores ng balat na sanhi ng pagkakaroon ng taghiyawat.

Ngayon, mayroon nang isinasagawa sa mga gustong magpatanggal ng taghiyawat sa likod o ‘bacial’ — katumbas ng facial na ginagawa sa mukha.
Sa prosesong ito, ini-steam ang likuran upang bumukas ang pores at maging mas madali ang pagtanggal sa pimples. Pagkatapos nito, saka sisimulan ang mismong extraction o ‘yung marahang pagdiin sa balat para lumabas ang duming nanuot dito.
Ayon sa mga dermatologists, isang dahilan kung bakit hindi dapat ipinatatanggal ang taghiyawat sa likod ay dahil posibleng mauwi ang ‘bacne’ sa isang klase ng bukol na kung tawagin ay sebaceous cyst.
Unang-una, makikita ito na nakaumbok sa ibabaw ng balat pero kapag kinapa ay hindi ito gumagalaw. Kapag hindi naalis ang dead skin at oil na siyang nagdudulot ng taghiyawat, namumuo ito at naiipon sa ilalim ng balat hanggang sa umumbok at maging bukol.
Kapag ang taghiyawat ay naging sebaceous cyst, hindi na ito kayang tanggalin ng karaniwang ‘bacial’.
Rekomendasyon ng mga doktor na sumailalim sa minor surgery ang mga may sebaceous cyst. Kahit benign o hindi cancerous ang sebaceous cyst, mas makabubuti na ipatanggal ito sa lalong madaling panahon.
Para makaiwas sa pagkakaroon ng pimples at mga komplikasyon na maaari nitong idulot, mahalagang maging malinis sa katawan.
Makatutulong sa pantanggal ng pimples ang mga pamahid na may sangkap na salicylic acid at benzoyl peroxide.