Malaking pasabog agad ang dala ng 2020 sa paggawad sa Pilipinas ng karapatan na dito ganapin ang isang yugto ng FIBA 3X3 World Tour Masters. Ang Manila Masters ang ikalawa sa 14 na yugto mula Mayo 2 hanggang 3 sa SM Megamall sa Mandaluyong City.
May dagdag na dalawang yugto mula sa dating 12 at gaya noong 2019, sa Doha, Qatar magbubukas ang serye. Matatandaan na doon unang naglaro ang Pasig Chooks at Balanga Chooks at ginulat agad ng mga bagitong koponan ang mga beterano upang parehong maabot ang quarterfinals.
Ang iba pang bagong pagdarausan ng palaro ay ang Abu Dhabi, UAE sa Okt. 30 at Riyadh, KSA kung saan gaganapin ang season finals sa mga huling linggo ng Nobyembre. Babalik ang World Tour sa Chengdu, Tsina (Mayo 30), Mexico City, Mexico (Hunyo 20), ang lugar ng 2019 finals Utsunomiya, Japan (Hulyo 11), Prague, Czech Republic (Agosto 1), Lausanne, Switzerland (Agosto 21), Debrecen, Hungary (Agosto 29), Montreal, Canada (Setyembre 5), Los Angeles, USA (Setyembre 19) at Jeddah, KSA (Oktubre 23) at isa pang titiyakin na lungsod sa Tsina sa Oktubre 17.
Sumabak din ang Balanga sa 2019 Jeddah Masters. Ang mga petsa at lugar ng 2020 FIBA 3X3 Challengers na nagsisilbing susi para makalahok sa mga yugto ng World Tour ay ilalabas sa mga darating na araw.
Kahit iba-iba ang naging resulta ng mga pinadalang pambato ng Chooks-To-Go-Pilipinas 3X3, lahat ng ito ay napakahalaga para sa katayuan ng bansa sa FIBA. Mula sa pagkalugmok simula ng 2019, unti-unting umangat hanggang umabot sa Top 20 ang mga Pinoy at nakamit ang inaasam na imbitasyon sa Olympic Qualifying Tournament ngayong Marso 18 sa India.
Ayon kay Ronald Mascariñas ng Chooks-To-Go Pilipinas 3X3, sisikapin nilang magpadala ng kinatawan sa lahat ng mga torneo at hindi malayo na mas marami pang malaking pandaigdigang palaro ang gaganapin sa Pilipinas dulot ng ipinakitang husay sa pagpatakbo ng 2019 CTG Asia Pacific Super Quest noong Marso at 2019 CTG Manila Challenger noong Setyembre. Magsisimula ang bagong taon ng nag-iisang liga ng 3X3 ng bansa sa pamamagitan ng President’s Cup sa Pebrero kung saan ang mga kampeon ang tutuloy sa Manila Masters at iba pang mga torneo.