No Problem
Tuwing umuulan, ang kadalasang nakukuha nating sakit ay ubo, sipon at allergy dahil sa biglaang pagpapalit ng temperature, gayundin, tumataas ang bilang ng kaso ng dengue dahil maraming lugar ang binabahayan at pinag-iitlugan ng mga lamok.
Para maiwasan ang mga sakit na nabanggit, narito ang ilang paraan para mapalakas ang resistensiya, partikular ng mga bata:
1. MAGDALA NG PAYONG, KAPOTE AT BOTA. Ito ang pinakauna sa lahat dahil makabubuting protektahan ang sarili mula sa ulan gamit ang mga ito. Mas makabubuti rin ang pagsusuot ng bota upang hindi direktang dumikit sa ating katawan ang tubig-baha na maaaring magdulot ng leptospirosis mula sa ihi ng daga.
2. UMINOM NG MALIGAMGAM NA TUBIG. Nakapagpapalakas ng resistensiya ang pag-inom ng maligamgam na tubig at samahan ito ng lemon o kalamansi dahil mayaman ito sa Vitamin C na lubos na makatutulong para maiwasan ang pagkakaroon ng ubo at sipon.
3. KUMAIN NG MASUSUSTANSIYANG PAGKAIN. ‘Wag kalimutang kumain ng masusustansiyang pagkain na nasa Go, Grow at Glow. Mainam na kumain ng mga ganitong pagkain para mapanatiling malusog ang inyong katawan at hindi basta-basta tamaan ng karaniwang sakit na nakukuha sa panahon.
4. MATULOG SA TAMANG ORAS. Kailangan nating magkaroon ng sapat na pahinga o tulog para hindi manamlay at maging aktibo sa mga susunod na araw ang ating katawan. Lumalakas din ang resistensiya kapag nakakakuha tayo ng sapat na pahinga.
5. UMINOM NG SALABAT ‘PAG INUBO. Hindi lang pampaganda ng boses ang salabat kundi nakatutulong din ito para sa ubo. Kung sakaling magsimula nang ubuhin at mangati ang lalamunan, makatutulong ang pagkain ng luya o pagpapainom ng salabat dahil nababawasan nito ang pangangati ng lalamunan.
6. GUMAMIT NG TISSUE, IMBES NA TUWALYA. Ipinapayo na gumamit ng tissue sa pagpupunas, pagsinga at pagtakip ng bibig kung umuubo dahil maaari n’yo na itong itapon pagkatapos gamitin. Gayundin, lalong kakalat ang virus at germs ‘pag tuwalya ang ginamit na pamunas at muli pang gagamitin.
Kaya mga ka-BULGAR, tuwing umuulan, huwag n’yong kalilimutan na magdala ng payong o raincoat upang hindi kayo mabasa ng ulan at makaiwas sa sakit na nabanggit. Palaging mag-ingat at takpan nang mabuti ang mga inimbak na tubig para hindi pag-itlugan ng mga lamok.
Okie?