Dear Doc. Shane, Napansin ko na madalas ay namumula ang aking mga mata lalo na pagkagising sa umaga kahit hindi naman ito nangangati. Nahihiya ako sa mga nakasasalubong ko lalo na sa work kasi baka isipin nilang may sore eyes ako. Ano kaya ang mabisang eyedrop para rito? — Lara
Sagot Maraming dahilan ang pamumula ng mga mata. Nariyan ang sobrang puyat, allergy, stress, panunuyo ng mga mata, pagkapuwing, nalagyan ng kemikal, glaucoma at impeksiyon. Kapag may pamumula ng mga mata, huwag mataranta o magpatak ng kung anu-anong eyedrop.
Conjunctivitis ang medical term sa sore eyes. Minsan, tinatawag din itong pink eyes dahil sa kulay nito.
Ang pamumula ng mga mata mula sa pagkamot at pagkapuwing ay kalimitang pansamantala lamang. Kung minsan, sa sobrang stress o puyat, lalo na kung madalas nakaharap sa computer o telebisyon, may maliliit na ugat sa mga mata na pumuputok at nagiging sanhi ng pamumula nito. Ang karaniwang sore eyes na alam natin ay ang nakahahawang klase. Kapag ang sintomas na kasama sa pamumula ng mga mata ay ang pangangati, klarong pagluluha ng mga mata, sipon at ubo na pabalik-balik at kalimitang umaatake kapag namumulaklak ang mga halaman, maaaring allergy ang dahilan.
Kung may kasamang paghapdi, pangangati, klarong pagluluha o pagmumutang kulay berde-dilaw, sensitibo sa ilaw at pamamaga, maaaring ito ay sore eyes na nakahahawa.
Ang kalimitang sanhi ng nakahahawang sore eyes ay virus. Tinatawag itong viral conjunctivitis. Tumatagal ito nang ilang araw hanggang isang linggo. Mabilis itong makapanghahawa kaya ipinapayong huwag kusutin ang apektadong mata at ugaliing maghugas ng mga kamay gamit ang tubig at sabon tuwing may pagkakataon.
Ang isang uri ng sore eyes ay tinatawag namang bacterial conjunctivitis. Halos katulad din ito ng sintomas ng viral conjunctivitis ngunit, mapapansing may nana o paninilaw ng muta kung may bacterial conjunctivitis. Kalimitan sa mga may ganitong impeksiyon ay nakararamdam din ng parang pagkapuwing at matinding pananakit ng mga mata. Sa ganitong pagkakataon, kailangang kumonsulta agad sa doktor na dalubhasa sa mga mata o ophthalmologist.