Dear Doc. Shane, Madalas sumakit ang likod ko (upper back). Sabi ng pinsan ko ay baka may scoliosis daw ako. Hindi ko maidiretso nang matagal ang aking likod dahil sumasakit ito, kaya para tuloy akong kuba. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa scoliosis? – Jas
Sagot Kadalasan, diretso ang ating gulugod na kinalalagyan ng spinal cord na karugtong ng ating utak. Madalas makita ang isang taong may scoliosis na may kasamang pagkakuba (humpback) o ang kabaligtaran nito (lordosis).
Ano ang sanhi ng scoliosis?
Ang tinatawag na “functional scoliosis” ay dahil sa masamang posture o dahil sa hindi pantay ang haba ng hita at hindi permanente ang deformity nito. Sa “structural scoliosis”, masasabing sadyang may deformity talaga sa gulugod kaya nagkakakurba.
Isa sa mga posibleng dahilan nito ay congenital o ipinanganak na may depekto sa anyo ng vertebra tulad ng wedge vertebra, fused ribs o vertebra o hemivertebrae. Iba pang posibleng dahilan ay nagka-cerebral palsy, polio o muscular dystrophy at nauwi sa paralisis na hindi pantay ang mga masel ng katawan.
Bihira lamang lumalabas ang sintomas ng scoliosis kung ito ay nagsisimula pa lamang, narito ang ilang sintomas nito:
Pananakit ng likod
Nahihirapang huminga
Mapapansing parang mas mataas ang balakang o hindi ito pantay
Pakiramdam na parang pagod na pagod
Hindi pantay ang balikat o mas mababa ang isa
Nakatagilid o mas nakahilig ang katawan sa isang panig
Kapag hindi ginamot ang scoliosis, posibleng mauwi ito sa problema sa baga, labis na pagsakit ng likod o sakit sa disk na kung tawagin ay sciatica.