
Dear Doc. Shane, Kapag nagtu-toothbrush ako ay nagsusugat at nagdurugo ang gilagid ko. Sa ngayon ay nagga-gargle solution ako, pero masakit pa rin talaga. Ang sabi ng bestfriend ko na dentistry student ay mag-take raw ako ng Vitamin C pero hindi ko magawa dahil palagi kong nakakalimutan. May kaugnayan ba ang pagsusugat at pagdurugo ng gilagid ko sa kakulangan ko sa nasabing bitamina? - Jasmine
Sagot Ang tawag sa pamamaga ng gilagid ay gingivitis. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pananakit, pamamaga at pagdurugo ng gilagid habang nagsesepilyo.
Bacteria ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng sakit sa gilagid. Ang bakteryang ito ay namumuo sa ngipin at tinatawag na “plaque”.
Ang matigas na parang sementong nakakapit sa ngipin o tartar o calcular deposits ay tanging dentista lamang ang makaaalis. Kapag ang plaque ay hindi naalis sa pamamagitan ng pagtu-toothbrush, dudurugin nito ang sugar at starch sa pagkain at magpo-produce ng acid. Ang acid na ito ang sisira sa enamel.
Karamihan sa ngipin ay nasisira hindi dahil sa pagkabulok kundi sa sakit sa gilagid. Ang regular na pagsesepilyo at paggamit ng floss ay nakatutulong para hindi mamaga ang gilagid.
Kapag dumugo ang ngipin habang nagsesepilyo, nagkakaroon na ng gradual build-up ng plaque. Samantala, ang pagdurugo ng gilagid ay palatandaan din ng kakulangan sa Vitamin C. Kapag hindi naagapan ang gingivitis, posibleng mauwi ito sa periodontitis kung saan kusang umuuga ang mga ngipin.
Gayunman, makabubuti kung magpapakonsulta sa dentista para makita ang kondisyon ng iyong gilagid at mga ngipin. Kailangan din ang magpa-cleaning (oral prophylaxis) tuwing ika-6 na buwan.