Bahagyang nasugatan ang apat na Chinese kabilang ang dalawang empleyado sa pagsabog sa loob ng isang restoran dahil umano sa gas leak sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Nakalabas na kahapon sa Makati Medical Center ang dalawang biktima na sina Tang Ting, 26, na bahagyang nasugatan sa ulo at likod at Yun Long Liun, 27, na nagtamo naman ng sugat sa kaliwang kilay nang mapadaan lamang ang mga ito nang mangyari ang pagsabog.
Nananatiling nakaratay sa nabanggit na pagamutan ang dalawang empleyado na sina Cao Yue Qzng, 45, kitchen helper, nasa intensive care unit, na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at Zhang Liang, 37, isa ring kitchen helper, na nasugatan sa ulo.
Ayon sa inisyal na ulat ni Makati City Police Chief Colonel Rogelio Simon, ang umano’y gas leak na nagresulta sa pagsabog ay naganap sa Judianchuanba Restaurant na matatagpuan sa Bgy. San Antonio, bandang alas-10:00 kamakalawa ng gabi.
Unang rumesponde sina Cpl. Tingcawa at Pat Abiera matapos matanggap ang report ng nangyaring pagsabog, dito nadatnan ang nagkalat na debris sa lugar dahilan upang humingi ng ayuda mula sa Explosives Ordinance Division at Bureau of Fire Protection.
Tinatayang P180,000 halaga ng napinsalang ari-arian dahil sa pagsabog. Sa isinagawang ocular inspection sa pangunguna ni Col. Simon, natagpuan nila ang isang LPG hose sa kusina ng restoran na putol at naabo ang dulo nito, may isang pakete ng sigarilyo at lighter din sa kusina.
Hinala ng opisyal, posible umanong naipon ang fumes sa loob ng kusina ng restoran at dahil sa leak o pagtagas ay nagkaroon ng spark dahil sa nakasinding sigarilyo na naging dahilan ng pagsabog.
Aniya, posibleng patung-patong na reklamo ang kahaharapin ng may-ari ng establisimyento dahil walang nakitang bagong business permit kundi tanging nakita lamang dito ang 2017 permit na nakakuha ng fire safety inspection certificate mula sa BFP.
Bukod dito, nakitaan din umano ng paglabag ang restoran sa ilalim ng
Building Code tulad ng kawalan ng sprinkler at fire extinguisher.
Sinabi nito na mabuti na lamang at sarado ang kainan nang mangyari ang pagsabog kaya walang gaanong nasugatan kung saan dalawang empleyado lang ang naroon sa loob ng restoran na tiyempo namang dumaraan ang dalawang Chinese na sina Tang at Yun kaya nadamay sa insidente.
Hindi naman nagpakita ang may-ari ng restoran kaya walang nakuhang pahayag mula rito ang pulisya.