top of page
Search
Shane M. Ludovice, M.D

Iba't ibang sakit, puwedeng malaman sa hitsura ng kuko

Dear Doc. Shane, Totoo ba na makikita raw sa mga kuko kung tayo ay may sakit? Pabilog at parang nakataob ang aking mga kuko. Ano ang ibig sabihin nito? — Toto

Sagot Maraming paraan para matukoy ang mga kondisyon at karamdaman na nararanasan sa katawan ng tao. Halimbawa, kapag may lagnat, nalalaman agad ito kung mainit ang temperatura ng katawan; ang pagkakaroon ng karamdaman sa atay ay maaaring matukoy kung naninilaw ang kutis ng balat at may pamamaga sa bandang tiyan na bahagi ng katawan.

Ngunit, may ilang mga karamdaman at kondisyon na nararanasan ng katawan na maaaring matukoy sa simpleng pagtingin at pagsuri sa mga kuko.

Narito ang ilan sa mga karamdaman na maaaring matukoy sa tulong ng pagtingin sa mga kuko:

  • Maputla o mala-asul na kuko. Ito ay indikasyon ng pagkakaroon ng anemia o sakit sa dugo.

  • Mabagal na panunumbalik ng kulay ng kuko kapag pinisil. Mabagal o may problema sa sirkulasyon ng dugo.

  • Mapuputing tuldok. Kaiba sa paniniwala ng marami na ang mga puting tuldok ay indikasyon ng kakulangan sa calcium o zinc, ang mga tuldok na ito ay senyales lamang ng nakalipas na pinsala sa kuko.

  • Pamimilog ng kuko. Ang pamimilog ng kuko na nagmimistulang nakataob na kutsara ay maaaring indikasyon ng pagkaroon ng hika o sakit sa puso.

  • Mala-kutsarang kuko. Kung ang mga kuko ay tumutubo nang palabas na mala-kutsara na nakaharap, maaaring indikasyon ito ng anemia, karamdaman sa atay o matinding pinsala sa mga daliri.

  • Lubug-lubog na tuldok sa kuko. Ang pagkakaroon ng mga tuldok na nakalubog sa kuko na tila tinusok ng karayom ay senyales ng psoriasis o implamasyon ng balat.

  • Maitim na tuldok. Ang pagkakaroon ng maitim na tuldok sa mga kuko ay maaaring indikasyon ng seryosong sakit na melanoma o malalang kanser sa balat.

  • Guhit na pahalang (beau’s lines). Ang mga guhit sa kuko ay senyales ng kaganapan sa buhay na maaaring nakaapekto sa pangkabuuang kalusugan tulad ng malubhang lagnat. Maaari rin itong indikasyon ng diabetes o kakulangan ng zinc.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page