top of page
Search
BULGAR

2020 Yearender: Online competitions, namayagpag

ni Gerard Peter - @Sports | December 28, 2020





Naging mapanghamon ang taong 2020 hindi lamang sa maraming aspeto ng pamumuhay ng tao, kundi maging sa larangan ng pampalakasan.


Kabi kabilang pagkakansela at pagpapaliban ng mga iba’t ibang palaro sa loob at labas ng Pilipinas, tulad ng 32nd edisyon ng Summer Olympic Games na gaganapin sana sa Tokyo, Japan nitong Hulyo hanggang sa mga professional leagues.


Malaki ang naging epekto ng kautusan, higit na sa Pilipinas ng malawakang pagpapatigil sa lahat ng pagsasanay at kompetisyon sa kautusan ng Philippine Sports Commission (PSC) mula sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID).


Ngunit isang liwanag ang tila dumapo sa madilim na parte ng nararanasang pandemya sa pagpasok ng malawakang lockdown sa buong mundo at Pilipinas – ang Online Virtual tournaments at competitions.


Dito umusbong ang mga pangalan ng dating Karate national team member na si Orencio James “OJ” De Los Santos, Poomsae artists na sina Ernesto Guzman Jr., Rodolfo Reyes Jr at mag-amang Jocel Lyn at June Ninobla na humakot ng magkakahiwalay na kampeonato at medalya sa pandaigdigang online competition.


Nakahanap pa rin ng ibang paraan na maipagpatuloy ang pinakamamahal na palakasan sa kabila ng paghihigpit dulot ng community quarantines na ipinapatupad sa bansa, kung saan, natutong sumabay sa binansagang “New Normal” ang sports world.


Sumampa sa 36 titulo ang nahahakot ng 30-anyos na dating 2017 Southeast Asian Games bronze medalist sa individual kata form sa mga nilahukang iba’t ibang online virtual kata competitions simula ng magkaroon ng lockdown sa bansa.


I know this may sound unpopular because of the situation the whole world is in, but I would say that I was able to find an opportunity and use it to make 2020 a great year for me. My love for the sport karate is what kept me going,” pahayag ni De Los Santos sa panayam ng Bulgar sa online interview.


I can’t say what will happen in the future. But I personally think that virtual tournaments are the new normal, and it can be an opportunity for athletes to compete internationally just from their home,” wika ni De Los Santos, na wala pa sa mga plano ang magbalik sa national team at tanging ang pagtutuunan ng pansin ang mga virtual competitions. “Honestly, I can’t answer that. That’s something only time can tell. Right now, I’m focusing on what’s in front of me, which are these virtual tournaments.”


Online competitions rin ang naging daan sa 39-anyos na Tuguegarao-native na si Guzman para malampasan ang pananabik sa kanyang sport, gayundin ang pansamantalang pananatili sa Pilipinas bunsod ng lockdown.


Ibinulsa ni Guzman ang pambihirang husay sa recognized men’s Under 40 years old category para talunin ang mga kalaban mula South Korea, Iran at Chinese Taipei. Ito na ang ikatlong gintong medalya ng Cagayan State University graduate sa kursong Secondary Education matapos ang mga panalo sa 1st Daedo Online Championship at 1st Lents World wide Online Poomsae Championships.


Parehong-pareho ang saya na naramdaman ko sa actual at online, ang kaibahan lang talaga ay walang crowd na nanuod pero ang performance at ang kaba ay parehong pareho dahil one time bigtime ang performance sa final online,” pahayag ni Guzman sa panayam ng Bulgar sa online interview.


Sumipa rin ng mga titulo ang biennial meet women’s recognized champion na si Jocel Lyn Ninobla sa 1st Online Daedo Open European Poomsae Championships noong Mayo at 2020 PTA National Online Taekwondo Poomsae Championships noong Hunyo.


Natuto na ring mag-adopt sa ‘new normal’ ang pamunuan ng Muay Association of the Philippines (MAP) sa paglulunsad ng kanilang kauna-unahang online-virtual national championships na kinalauna’y lumahok ang mga nagsipagwagi sa IFMA online World Championships.


Nagsagawa na rin ng kanilang sariling online tournaments ang Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP) na kumana ng kauna-unahang online Musical Forms tournament sa bansa. Kinatampukan ito ng iba’t ibang martial arts mula sa Kickboxing, Karate at Taekwondo na may pagkakahalintulad sa Poomsae at Kata forms na ipamamalas ang techniques at skills sa dalawang klase ng istilo.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page