ni Anthony Servinio - @Sports | November 14, 2020
Sisimulan ngayong araw ang kampanya ng Pilipinas sa FIBA ESports Open II. Haharapin ng E-Gilas ang panibagong hamon galing sa Australia at Indonesia sa online bakbakan sa NBA2K simula 5:30 ng hapon.
Babalik muli sina Rial Polog, Custer Galas, Philippe Herrero IV, Clark Banzon at Aljon Cruzin matapos nila blankahin ang Indonesia sa kanilang serye ng limang laro noong Hunyo para mauwi ang kampeonato ng Timog Silangang Asya, 5-0. Subalit hindi magiging madali ngayon ang labanan dahil papasok sa eksena ang Australia na nagkampeon ng Oceania kontra New Zealand, 4-1.
Maglalaro ang tatlong bansa ng triple round robin o anim na beses bawat isa mula ngayon hanggang bukas. Ang dalawang may pinakamataas ng kartada ay tutuloy sa championship na lalaruin bukas simula 7:20 ng gabi.
Ang mga reserba ng pambansang koponan ay sina Rocky Brana at ang bagong dagdag na si Arnie Sison na pinalitan si David John Timajo. Babalik bilang coach si Nite Alparas.
Masusubaybayan ng live ang lahat ng laro ng Pilipinas sa opisyal na YouTube Channel ng FIBA sa wikang Ingles. Gagamitin muli ang makabagong studio na tinayo ng FIBA sa Riga, Latvia noong Hunyo para sa unang ESports Open.
Sabay din bubuksan ang mga serye sa iba pang bahagi ng mundo. Ipagtatanggol muli ng Saudi Arabia ang kanilang korona laban sa Lebanon habang maghaharap ang Cote d’Ivoire at Gabon para malaman ang unang kampeon ng Aprika sa magkahiwalay na serye ng tatagal ng pitong laro.
Samantala, sa Disyembre 12 at 13 ang torneo ng Europa. Susundan ito agad ng mga torneo sa Hilaga at Timog Amerika sa Disyembre 19 at 20.
Comments