Baking soda, kalamansi at dahon ng malunggay, pantanggal ng putok
- Shane M. Ludovice, M.D
- Dec 30, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Pawisin at madalas mangasim ang kilikili ko. Hindi ko nakasanayang gumamit ng anumang produkto dahil wala pa akong sariling pera bilang estudyante ako at nahihiya akong manghingi sa tiyahin ko na nagpapaaral sa akin. Meron bang home remedy o low budget na paraan para masolusyunan ang problema kong ito? — Wacky
Sagot Lahat tayo ay puwedeng magkaroon ng mabahong kilikili, anghit o putok lalo na ang mga taong pawisin.

Kapag mayroong pawis, lapitin ito ng bacteria na nagpapabaho ng katawan, partikular ang mga singit tulad ng kilikili.
Narito ang ilang paraan na maaaring makatulong para sa mabahong kilikili:
1. Baking soda. Ito ay may kakayahang mag-absorb ng moisture sa katawan kaya nakasisipsip ito ng pawis. Mayroon din itong kakayahang patayin ang bacteria na sanhi ng mabahong kilikili.
Para gamitin ang baking soda pantanggal ng mabahong kilikili, ipahid lang ito pagkatapos maligo.
2. Calamansi o lemon. Ito ay antiperspirant o nagpipigil ng pag-produce ng maraming pawis. Ikuskos ito sa kilikili pagkatapos maligo at hayaang matuyo. Maghintay ng 2 hanggang 3 minuto pagkatapos ay banlawan.
3. Tawas. Ito ang pinakasikat na pantanggal ng anghit noong hindi pa uso ang mga deodorant. Hindi antiperspirant ang tawas, pero nakapapatay din ito ng bacteria.
4. Apple cider vinegar o white vinegar. May antibacterial properties ang apple cider vinegar kaya puwede itong gamot sa mabahong kilikili. Nagbabalanse rin ito ng Ph level ng kilikili kapag ipinahid.
Kung walang apple cider vinegar, puwede ang ordinaryong puting suka. Mas mainam kung sa gabi magpahid nito bago matulog.
5. Dahon ng malunggay. Kumuha lamang ng tamang dami nito saka dikdikin sa mangkok hanggang magkaroon ng katas. Ang katas ng dahon ng malunggay ay may chlorophyll. Ayon sa pag-aaral, ang chlorophyll ay epektibong deodorizer na nakapagpapawala ng body odor at bad breath.
6. Dahon ng bayabas. Ang pinaglagaan ng dahon ng bayabas ay gamot din para mawala ang amoy ng kilikili.
Comments