Isang pitong taong gulang na lalaki ang naputulan ng mga daliri matapos masabugan ng hindi pa matukoy na paputok nitong bisperas ng Pasko.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang nasabing biktima ay mula sa General Trias, Cavite.
Ang bata ay dinala sa Philippine General Hospital (PGH) kung saan siya na-diagnosed ng mga doktor na nagtamo ng mangled left hand secondary to blast injury at kinailangang putulin ang kanyang kaliwang palasinsingan o ring finger at hinliliit o small finger dahil sa matinding pinsala.
Ayon sa ahensiya, ang naturang batang lalaki ay kabilang sa siyam na bagong biktima ng paputok, na naitala nila mula alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 25 hanggang alas-5:59 ng madaling-araw ng Disyembre 26.
Sa kabuuan, aabot na sa 19 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok ang naitala ng DOH.
Ang mga biktima, mula sa edad 4 hanggang 60. Mas mababa pa rin ito ng 37% o 11 kaso mula sa 30 fireworks related injuries na naitala nila sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Karamihan umano sa mga nasugatan ay mula sa National Capital Region na nakapagtala ng 4 kaso; sumunod ang Calabarzon at Region 1 na may tig-3; Regions 2 at 7 na may tig-2 kaso; habang nakapagtala naman ng tig-isang kaso ang Mimaropa at Regions 5, 6, 11 at 12.
Iniulat naman ng DOH na ang mga paputok na may pinakamaraming nabiktima ay ang boga na nakapambiktima na ng apat na katao, sumunod ang luces na isang legal na paputok na nakasugat naman ng tatlong indibidwal.
Tig-iisa naman ang nabiktima ng 5-star, baby rocket, bamboo canon, fountain, kalburo, kuwitis, mini bomb, piccolo at whistle bomb, habang ang tatlong iba pang biktima ay hindi batid kung anong uri ng paputok ang ginamit.
Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa publiko na umiwas na sa paggamit ng paputok upang matiyak na magiging ligtas ang gagawin nilang pagsalubong ng Bagong Taon.