top of page
Search
Shane M. Ludovice, M.D

Sanhi at lunas sa alipunga

Dear Doc. Shane, Mahilig akong mag-basketball kaya nagkaroon ako ng alipunga. Nakakahiya kasi kapag naghuhubad at nagpapalit ako ng mga sapatos ay kitang-kita ang pagbibitak-bitak at pangangaliskis ng aking mga paa. Mayroon ba akong puwedeng gawin para mawala ito? — Simon

Sagot Ang alipunga o athlete’s foot ay impeksiyon sa balat na nakaaapekto sa mga paa. Ito ay maaari ring dumapo sa mga kamay at kuko. Ang alipunga ay hindi kasingseryoso tulad ng ibang sakit pero ito ay napakahirap gamutin. Ang alipunga ay nakahahawa.

Ito ay tumutubo kapag ang fungus na tinea ay namuhay sa mga paa. Maaaring mahawa ng fungus sa pamamagitan ng pakikihalubilo sa mga taong may alipunga o paghipo sa mga bagay na kontaminado ng fungus. Nabubuhay ang tinea sa mga lugar o bagay na mainit at mamasa-masa.

Narito ang mga sintomas ng alipunga:

  • Pangangati at paghapdi sa gitna ng mga daliri

  • Pangangati at paghapdi sa sakong ng mga paa

  • Pagkakaroon ng makating paltos sa mga paa

  • Pagbibitak-bitak at pangangaliskis ng mga paa lalo na sa may sakong at mga daliri

  • Pagkatuyo ng balat sa may sakong at sa gilid ng paa

  • Pagkapal at pagpangit ng kulay ng mga kuko

  • Kusang paghiwalay ng kuko sa mga daliri

Ano ang gamot sa alipunga?

Ang alipunga ay kadalasang nagagamot ng mga over-the-counter na gamot laban sa fungus. Kung ang mga gamot na nabibili sa botika ay walang epekto sa alipunga, ang iyong doktor ay maaaring magbigay ng gamot na iniinom para sa alipunga. Ang ganitong mga gamot ay sadyang malakas na pamatay ng mikrobyo at nangangailangan ng reseta para makabili nito.

Paano maiiwasan ang alipunga?

  • Hugasan palagi ang mga paa gamit ang sabon na may anti-microbial properties.

  • Gumamit ng antifungal powder sa mga paa, araw-araw.

  • Huwag humiram at magpahiram ng tsinelas, medyas, sapatos o tuwalya sa mga taong may alipunga.

  • Maiiwasan din ang mahawa ng alipunga sa pamamagitan ng pagsuot ng tsinelas o sandals kapag naglalakad sa pampublikong mga lugar tulad ng kubeta, banyo at swimming pool.

  • Panatilihing tuyo ang mga daliri lalo na ang gitna ng mga daliri matapos maligo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page