
Nakakubra ng isang ginto at dalawang tansong medalya ang koponang binubuo ng three-man Philippine National Vovinam sa katatapos lang na 6th WVVF World Vovinam Championships 2019 noong Disyembre 16-22 sa Olympic Stadium sa Phnom Penh sa Cambodia.
Isinipa ni Kristine Hope Baguio ang nag-iisang gold medal ng bansa sa women’s Doi Khang sparring under-63kgs matapos talunin nito ang mga manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng mundo kabilang ang host country na Cambodia at powerhouse na Vietnam.
Nag-uwi rin si Jaysa Anna Gabuya ng bronze medal sa women’s Doi Khang under-48kgs division at si Cedric Bolneo na trumangka ng isa pang tanso sa men’s Long Stick Quyen o Forms category upang tumapos ang bansa ng 8th place laban sa 22 bansa. Ito ang kauna-unahang partisipasyon ng Pilipinas sa World Championships ng naturang event na nilahukan ng halos 400 atleta at opisyales mula sa 24 bansa at teritoryo sa torneo. Ang 44 na partisipante ay lumahok sa combat at performance categories.
Kabilang sa mga lumahok sa taunang kompetisyon ay ang mga bansa mula sa Iran, Algeria, India, Pakistan, Myanmar, Singapore, Indonesia, Egypt, Afghanistan, Bangladesh, France, Italy, Romania, Philippines, Vietnam, Laos, Thailand, Japan, Russia at Taiwan.
Muling napagwagian ng Vietnam ang overall championship matapos kumuha ito ng 28 medals kabilang ang 18 gold, 9 silver at 1 bronze medals, na sinundan ng matitibay na kalaban mula sa Cambodia na may 9-10-2; Algeria 9-8-7; Thailand 3-1-3; Myanmar 2-5-6; Laos PRD 1-2-16, Iran 1-1-0 at Pilipinas 1-0-2.
Noong nakaraang taon ay nagawang makapagwagi ng tig-isang gold at bronze medal ang pambansang koponan sa Asian Championships sa Bali, Indonesia. Kinokonsidera ang Vovinam na maging parte ng sporting disciplines ng 31st Southeast Asian Games sa Vietnam na nakatakda sa 2021. Ang Vovinam ay isang traditional Vietnamese martial arts na kinabibilangan ng parehong armed at unarmed combat. Mayroong 2.5 million practitioners mula sa 70 bansa.