top of page
Search

‘Son of God’, kinasuhan.. 17-anyos na iskolar, ni-rape ni Quiboloy, lumantad

Vyne Reyes

Todo-tanggi ang kampo ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy sa isinampang mga kasong rape, qualified trafficking in person at child abuse laban sa kanya sa Davao City.

Bukod kay Quiboloy na self-proclaimed ‘Son of God’, inireklamo rin ng sexual abuse at forced labor ang limang iba pa kabilang sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Pauline Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes.

Sa reklamo ng 22-anyos na si Blenda Sanchez Portugal, na inihain sa National Prosecution Service Office of the City Prosecutor sa Davao City sa Davao del Sur, isinalaysay nito na ipinakilala siya kay Quiboloy ng kanyang ama na si Eliseo noong siya ay 10-taong gulang pa lamang.

Iginiit pa ni Portugal na nakaranas siya at ang kanyang kapatid na babae ng sexual at forced labor sa iba’t ibang pamamaraan.

Naging full time miracle worker umano siya ng Simbahan sa edad na 12 at doon siya nakaranas ng pang-aabusong sekswal maliban sa puwersahang pagpapatrabaho sa kanila tulad ng pagbabahay-bahay para manghingi ng pera.

Pinangangakuan din umano sila na pag-aaralin at dadalhin sa iba’t ibang lugar kung susundin palagi ang utos ng sinasabing “Almighty Father” at ng “Father’s Will”.

Noong Setyembre 1, 2014 ay hinalay umano siya ni Quiboloy sa loob ng compound ng Jose Maria College bandang ala-1:00 ng madaling-araw. Labing-pitong taong gulang pa lamang umano siya noon at isa sa mga mang-aawit sa Simbahan ng religious leader.

Inatasan naman ni Davao City Prosecutor Shahruddin Roberto Sencio, Jr. ang mga inaakusahan na maghain ng paliwanag sa loob ng 10 araw.

Giit ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Quiboloy, ang reklamo ni Portugal ay bahagi lang umano ng paninira sa kanyang kliyente.

Ani Torreon, gumanti lang si Portugal nang kasuhan ito ni Quiboloy ng libelo noong Oktubre 22, 2010 at maharap sa warrant of arrest dahil sa umano’y mapanirang mga komento sa Facebook.

“This was issued April 29, 2019. The case for libel has been going until today but her lawyer withdrew from the case,” dagdag ni Torreon na aniya’y nakapagpiyansa lang si Portugal sa kanyang kaso.

Naniniwala pa ang kampo ni Quiboloy na mayroong tao na nasa likod ni Portugal dahil napakahusay umano ng pagkakasulat ng affidavit nito.

“It appeared that she is well supported and well financed. We know who they are and we are prepared for them. We will show them that Quiboloy is innocent,” pahayag pa ni Torreon.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page