Dear Doc. Shane, Palagi akong nagkakaroon ng singaw, mahapdi ito lalo na kapag kumakain ako ng maasim. Kapag nawala o nagtapos na ang isa, magkakaroon naman ng iba pa. Ano ba ang dahilan sa pagkakaroon ng singaw? — Rubylyn
Sagot Ang singaw o mouth sores ay kondisyon kung saan may bahagi ng bibig na nagiging mahapdi. Ang mga singaw ay maaaring matagpuan sa gilagid (gums), sa likod ng labi (lips), sa dila (tongue) o anumang bahagi ng bibig. Ito ay karaniwang hugis-bilog na bahagyang pailalim at maaaring mas maputi ang kulay kung ikukumpara sa mapulang bahagi ng bibig.
Ang singaw ay maaaring sanhi ng pagkakagat ng sariling dila o labi o anumang iritasyon sa bibig tulad ng pagkatusok ng pagkain tulad ng tinik ng isda, pagkapaso mula sa mainit na inumin o pagkain o masyadong marahas na pagsesepilyo. Maaari ring dahilan ang mga impeksiyon tulad ng herpes simplex virus o kaya mga gamot tulad ng aspirin. Maaaring magdulot ng singaw ang ibang mga sakit o kapaguran o stress sa trabaho.
May nabibili sa botika na ipapahid para rito, para kamo sa mouth sore o ulcer. Ang iba naman, hinihintay na lang itong mawala nang kusa sa loob ng dalawang linggo.