Ngayong nalalapit na ang Pasko, lahat tayo ay nagsasaya, nagbibigayan ng regalo, naglalagay ng mga dekorasyong pamasko, naghahanda sa salu-salo at nagbabatian ng ‘Merry Christmas’.
Bagama’t, iba’t iba tayo ng trip kapag ipinagdiriwang ito, hindi lahat ay alam kung ano ang kahulugan ng Pasko at kung bakit napakaespesyal ng araw na ito.
Para sa ilang tao, panahon ito ng kalungkutan dahil hindi nila kasama ang mga mahal nila sa buhay na nasa ibang bansa, walang sapat na pera upang makabili ng mga panregalo at panghanda sa salu-salo.
Ngunit, kabaligtaran naman ito para sa iba. Ang Pasko ay panahon ng kagalakan at kasiyahan dahil ito ang panahon kung kailan ipinanganak si Jesus Christ, sama-sama ang buong pamilya at naghahanda ng iba’t ibang pagkain para ipagdiwang ito.
Kung titingnan o papansinin natin, kapag ipinagdiriwang ang kapanganakan ni Jesus, lahat tayo ay masaya at tila walang mabigat na pinagdaraanan kung saan ngiti sa mga labi ang makikita sa bawat isa.
Nagsimula ito noong ipinanganak si Jesus at may Tatlong Hari na nagpunta sa Bethlehem at nagpakalat ng balita sa buong sanlibutan na isinilang na ang Hari. Siya ay ipinanganak mula sa mahirap na pamilya at ipinadala Siya upang iligtas ang sanlibutan.
Gayunman, Siya ang pag-ibig at pag-asa at kung hindi dahil sa Kanya, mamamatay tayo dahil sa ating mga kasalanan.
Isinilang Siya upang pagbayaran ang ating mga kasalanan dahil ang kasalanan ay minana pa natin kina Adan at Eba kaya tanging si Jesus ang daan upang maligtas tayo.
Samantala, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at tanggapin Siya bilang Diyos at tagapagligtas at tayo ay maliligtas at malilinis mula sa ating mga kasalanan.
Sabi sa 1 John 1:9, “Kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat Siya’y tapat at matuwid.”
Kaya natin ipinagdiriwang ang Pasko dahil ibinigay ng Diyos ang Kanyang kaisa-isang anak upang mailigtas tayo sa ating mga kasalanan.
Ang Pasko ang isa sa mga paraan upang ipaalala natin sa ating mga mahal sa buhay ang tunay na kahulugan ng buhay at ito rin ang tamang panahon upang papasukin natin sa ating puso si Jesus Christ nang makatanggap tayo ng kagalakan at kapayapaan.
Merry Christmas, mga ka-BULGAR!