
Inihihirit ng ilang kongresista na makulong ang dating vice-chairman ng Banco Filipino na si Albert ‘Bobby’ Aguirre kaugnay sa kinasangkutang anomalya sa Banco Filipino Savings and Mortgage Bank (Banco Filipino).
Matatandaang, nagsampa sa Department of Justice Task Force on Financial Fraud ng kasong kriminal ang Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC) laban kay Aguirre at iba pang opisyal ng Banco Filipino dahil sa umano’y maanomalyang pagbabayad ng hindi bababa sa P700 milyon sa mga ‘legal firms’ nang walang kontrata o supporting documents noong panahon na nalulugi ang nasabing bangko.
Ayon kay Rep. Ron Salo, isa sa mga nagsumite ng House Resolutions No. 609 at No. 610, malinaw na ilegal at labag sa batas ang ginawa ni Aguirre at iba pa sa usaping ito ng Banco Filipino.
“We are urging the proper committee of Congress to conduct an investigation in aid of legislation on the fraudulent disbursements committed by Banco Filipino especially, Mr. Aguirre and its directors,” ani Rep. Salo ng Kabayan Partylist.
“The unpaid loans extended to Banco Filipino is dubious and very suspicious. Kailangang mapatawan ng kaukulang parusa at makulong ang sangkot dito.
Hindi maaaring palampasin,” ayon naman kay Rep. Jorge Bustos ng Patrol Partylist.
Napag-alaman na nasa 62 branches ang Banco Filipino nang ma-takeover ito ng PDIC at dito nadiskubre na nagbayad umano ang bangko ng P255.9 milyon sa isa pang law firm kung saan partner ang isa sa mga directors ng nasabing bangko.
Dati na rin umanong kinasuhan ng “syndicated estafa” ng PDIC si Aguirre at iba pa dahil sa umano’y paggastos ng P669.6 milyong pera ng mga depositors para sa pansariling biyahe abroad.