Dear Doc. Shane, Nakagat ng aso ang kasambahay namin habang pinakakain niya ang mga ito. Kinakailangan pa ba siyang pabakunahan ng anti-rabies gayung malinis naman ang mga alaga namin dahil meron itong regular grooming at sa bahay namin mismo ay naaalagan silang mabuti? — Cecile
Sagot Narito ang protocol na sinusunod ng DOH at ng lahat ng animal bite center sa pagbabakuna ng mga nakagat/kalmot ng aso o pusa:
Category 1
Nagpakain ng mga alagang hayop, dinilaan lang ng aso sa kamay, braso at walang sugat.
Treatment:
Walang bakunang ibinibigay dahil walang kagat o kalmot na nangyari.
Kapag nakagat ng aso, kailangang obserbahan ang hayop ng dalawang linggo. Kapag walang nangyari sa aso — ibig sabihin ay safe dahil walang rabies ang aso.
Maaaring magpa-inject ng anti-rabies bago makagat (pre-exposure anti-rabies vaccination) kung kayo ay may alagang aso o pusa, lalo na at hindi maiiwasan na in time makakagat o makakalmot kayo.
Category 2
Minor scratches with no spontaneous bleeding at buhay ang aso o pusa.
Treatment:
Obserbahan ang aso ng dalawang linggo, araw-araw, kapag nag-iba ng ugali, namatay o nanghina, bumalik agad sa clinic para ibigay ang gamot na immunoglobulin o mas kilala sa tawag na erig. Mag-uumpisa ng anti-rabies vaccine (active) ito ang rabibur, verorab o rabies vaccine may dalawang paraan na ibinibigay ang active vaccine depende sa ospital o clinic.
A. Intradermal. Ginagamit ito sa pampublikong ospital at clinic. Apat na beses kayong babalik, unang inject then after 3 days, after 7 days then after 28 days. Kapag natapos ito, magbibigay ng 5 taon protection laban sa rabies sa tuwing makakagat ulit, magbo-booster dose ng 2 beses para mapataas ang proteksiyon.
B. Intramuscular. Ginagamit ito sa mga pribadong ospital o sa mga pasyente na mahina ang immune system tulad ng may diabetes, umiinom ng steroids, may problema sa kidney at iba pa. Limang beses kayong babalik dito, unang injection then after 3 days, after 7 days then after 14 days at after 30 days.
Category 3
Maraming kagat, nagdugo ang sugat, namatay ang hayop, naging gala o nanghihina ito.
Treatment:
Active anti-rabies injection, intradermal o intramuscular. Immunoglobulin (erig) ito ay ibinibigay lamang kung kailangan sa mga pasyente na malala ang kagat, nanghihina o namatay ang hayop.
Sa erig (equine rabies immunoglobulin), ini-skin test muna sa pasyente bago ibigay dahil maaari kayong magka-alergy. Kapag nag-inject ng erig, iwasang kumain ng mga malalansang pagkain kung sakaling magka-alergy, mangati, mamantal o mahirapang huminga, bumalik agad sa ospital para mabigyan ng gamot.
Paalala: Kapag nakagat o nakalmot tayo ng mga hayop, linisin ang sugat gamit ang sabon at tubig at lagyan ng povidone-iodine (betadine). Huwag lagyan ng bawang, papaya, upos ng sigarilyo o tandok. Huwag saktan ang hayop na nakakagat, alagaan ito dahil kailangan itong maobserbahan ng dalawang linggo. Gayundin, sa mga may-ari ng aso o pusa, pabakunahan ang nakagat o kalmot ng alaga ninyo.