top of page

Iba’t ibang dahilan kaya nakukunan ang buntis

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Dec 13, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Mahigit isang taon na kaming kasal ng asawa ko at nabuntis siya. Pero makalipas ang halos tatlong buwan niyang pagbubuntis ay nakunan siya. Masakit ito sa amin dahil ito sana ang kauna-unahan naming anak. Ano kaya ang dahilan bakit siya nakunan gayung maingat naman siya? Gayundin, gusto kong malaman kung may pag-asa pa ba siyang mabuntis ulit? — Ramil

Sagot Ang pagkalaglag ng bata ay tumutukoy sa hindi pagtutuloy ng pagbubuntis ng ina kung saan ang pagbubuntis ay umaabot lamang ng hanggang 2 o 3 buwan. Ang kondisyong ito ay maaaring maranasan dahil sa ilang kadahilanan.

Narito ang ilan sa mga posibleng dahilan nito:

Kung ito ay naganap sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis, ang kadalasang itinuturong dahilan ng pagkalaglag ay abnormalidad sa pagkakabuo ng bata (chromosomal abnormality). Ang pagkalaglag dulot ng ganitong kondisyon ay nagkakataon lamang at walang kaugnayan sa kalusugan ng parehong magulang.

Narito ang mga karaniwang dahilan ng pagkalaglag:

  • Impeksiyon sa katawan

  • Pagkakalantad sa lason o sobrang radiation

  • Problema sa hormones

  • Abnormalidad sa matris

  • Hindi inaasahang pagbuka ng kuwelyo ng matris (cervical abnormalities)

  • Paninigarilyo, pag-inom ng alak at paggamit ng ipinagbabawal na gamot

  • Abnormalidad sa immune system ng katawan

  • Malalang sakit sa bato

  • Sakit sa puso

  • Malalang kondisyon ng diabetes

  • Problema sa thyroid

  • Iniinom na gamot

  • Malalang kondisyon ng malnutrisyon

Ang posibilidad ng pagkalaglag ng ipinagbubuntis ay tumataas kasabay ng edad. Ang mga babaeng nasa edad 20 ay may tsansang malaglagan nang 12% hanggang 15%, habang ang mga babaeng nasa edad 40 ay may tsansang malaglagan nang 25%.

Maaari pa bang magbuntis matapos makunan?

Maaari pa ring magbuntis ang babaeng nakaranas na ng pagkalaglag. Ayon sa research, tinatayang 85% ng kababaihan na dumanas ng pagkalaglag ng ipinagbubuntis ang nagkaroon pa rin ng pagkakataong mabuntis at makapanganak nang normal. Walang kaugnayan ang pagkalaglag ng ipinagbubuntis sa kakayahan ng babae na magbuntis.

Samantala, ang babae na dumanas ng dalawang magkasunod na pagkalaglag ay maaaring mangahulugan ng kakaibang sakit kaya makabubuti kung regular na magpapakonsulta sa doktor kapag nagbubuntis nang sa gayun ay maiwasan ang anumang problema na makaaapekto rito.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page