top of page
Search

Kulang na pondo sa edukasyon, kinabukasan ng kabataan ang apektado

Kuya Win Gatchalian

Isa sa mga tungkulin ng inyong lingkod bilang chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture sa Senado ay matiyak na matagumpay at mayroong sapat na pondo para sa mga pangangailangan sa edukasyon ng ating mga kabataang mag-aaral.

Kabilang na rito ang dagdag na pondo para sa Senior High School Voucher Program o SHS VP, tulong-pinansiyal para sa mga mahihirap na mag-aaral sa senior high school kaya napakahalaga ng nasabing programa.

Naghain na tayo ng panukala para rito at may mga amyenda na rin tayong ginawa na nakapaloob sa panukalang-budget para sa susunod na taon para sa naturang programa.

Base sa ating natuklasan, kulang ng halos P14 bilyon ang pondo para sa mahigit 1.2 milyong benepisaryo ng programa. Ang pondong kakailanganin sa School Year 2020-2021 ay P36 bilyon ngunit, sa kasalukuyan ay nasa P22.93 bilyon lamang ang nakalaan para sa SHS VP.

Bukod pa rito, dapat din na mabayaran ng Department of Education (DepEd) ang mahigit P11.4 bilyong utang nito sa mga pribadong paaralan para pambayad sa mga sahod ng mga guro at utility bill ng paaralan.

Kung susumahin natin, lumalabas na P25 bilyon ang kabuuang pondo na maidaragdag para sa naturang voucher program.

Nangangamba tayong kung walang sapat na pondo ang SHS VP, mapipilitang lumipat sa mga pampublikong paaralan ang mga benepisaryong nag-aaral sa mga pribadong paaralan.

Lingid sa kaalaman ng iba, ito ay isang bagay na magiging sanhi ng lalong pagsikip sa ilang mga klasrum at magkakaroon ng kakulangan sa bilang ng mga guro kapag nangyari ito.

Para sa kaalaman nating lahat, sa ilalim ng programa, hindi lamang ang mga batang nasa pribadong paaralan ang natutulungan dahil ito rin ay para sa lahat ng mga kuwalipikado at nangangailangang mga estudyante na pumapasok din sa state universities and colleges at local universities and colleges.

Para naman sa mga paaralang hindi saklaw ng DepEd, mayroon din itong 58,000 benepisaryo kaya naman kakailanganin pa rin ng karagdagang pondo para rito.

Sa kasalukuyan, mayroong P592 milyong pondo ang nakalaan dito pero para maging sapat ang pondo sa dalawang semester ng susunod na taon ay mangangailangan pa tayo ng karagdagang P200 milyon.

Naniniwala tayong binibigyan ng programang ito ng pagkakataon ang kabataan na makapag-aral nang maayos.

Kaya naman, sinisiguro nating mahahanapan natin ito ng sapat na pondo para patuloy na makapasok ang mga estudyanteng bahagi ng programa para hindi maantala ang kanilang pag-aaral.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page