Pananakit ng panga at likod ng tainga, ilan lang sa mga sintomas ng bell’s palsy
- Shane M. Ludovice, M.D
- Dec 9, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Napansin namin na nakangiwi ang bibig ng nanay namin na tila bagsak ang kabila niyang pisngi. Natatakot kami na baka na-stroke si nanay dahil may alta-presyon siya. Nang dalhin namin sa pinakamalapit na ospital ay hindi raw ito stroke kundi Bell’s Palsy. Ano ba ang sakit na ito at kusa ba itong mawawala kahit walang gamutan? — Anabel
Sagot Ang Bell’s Palsy ay paralysis o panghihina ng kalamnan ng isang bahagi ng mukha kaya ito tumatabingi, partikular na tinatamaan at namamaga ang cranial nerve VII na sumusuporta sa mga kalamnan ng mukha.

Ano ang facial nerve?
Ito ang ugat sa mukha na nagmumula sa utak na dumaraan sa maliliit na butas sa bungo sa ilalim ng mga tainga. Ito ang nagpapagalaw sa muscles sa mukha para magkaroon ng facial expressions, gayundin, ang nagpapasara sa talukap ng mga mata at nakatutulong sa pantukoy ng lasa.
Ano ang sanhi nito?
Bagama’t, hindi malinaw ang dahilan nito, ang paniwala ng mga neurologist, dulot ito ng herpes simplex virus. Kapag tinamaan ang cranial nerve VII, dito nagkakaroon ng Bell’s Palsy. May mga taong nag-aakalang dahil ito sa exposure sa lamig, sobrang pag-iisip at kung anu-ano pa.
Ano ang mga sintomas nito?
Paralysis o panghihina ng kalamnan ng isang bahagi ng mukha.
Labis na pagluha o pagkatuyo ng mga mata.
Pananakit sa paligid ng panga o likod ng mga tainga.
Pagiging sensitibo ng pandinig.
Unti-unting pagtabingi ng mukha.
Kawalan ng panlasa.
Hindi maisara ang mga mata.
Nahihirapang maikunot ang noo.
Bumabagsak ang isang corner ng bibig.
Tumutulo ang laway.
Ang Bell’s Palsy ay benign condition o hindi seryosong sakit, kadalasan itong gumagaling nang kusa at kailangan lang ng therapy.
May ilang kaso na temporary o depende sa sanhi nito. Ang ibang case ay puwedeng permanent, lalo na kapag aksidenteng na-fracture ang temporal bone o ‘yung dinaraanan ng mga nerves.
Ano ang pagkakaiba ng Bell’s Palsy at stroke?
Sa Bell’s Palsy, kalahati ng mukha ang apektado, samantalang, sa stroke, ang involved ay lower quadrant ng mukha at naikukunot pa rin ang noo. Isa pa, hindi common sa stroke na mukha lang ang apektado kundi pati ang mga braso, kamay, hita at binti.
Paano ito ginagamot?
Pag-take ng steroids, anti-viral at anti-inflammatory drugs sa unang dalawang araw nito.
Pagkonsumo ng Vitamin B Complex, lalo na ang B12.
Eye care — maglagay ng eyepad, patakan ito ng eyedrops upang hindi matuyo ang mga mata. Maaaring lagyan ng tape ang talukap ng mga mata habang natutulog.
Facial exercise — dahan-dahang masahihin ang muscles ng mukha pataas nang 10 minuto.
Uminom ng maraming tubig, araw-araw.
Paminsan-minsan ay ngumuya ng chewing gum.
Acupuncture — isa ito sa maraming paraan na maaaring subukan upang hindi lumala ang kalagayan ng pasyente.
Early detection — isa sa pinakamabuti at kailangang gawin ang magpakonsulta agad sa doktor, lalo na kapag nakararanas ng ilan sa mga sintomas.
Ang pagsasagawa ng therapy ay malaking chance na maging mabilis ang paggaling ng pasyente.
Comentários