Tungkulin at responsibilidad ng secretary ng DSWD
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Dec 8, 2019
- 3 min read
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay departamento sa ilalim ng Ehekutibong Sangay ng Pamahalaang Pilipinas na responsable sa pangangalaga ng karapatan ng bawat Pinoy sa kagalingang panlipunan at sa pagpapayabong at pag-unlad ng lipunan.
Bilang kagawarang sangay ng ehekutibong departamento ng Pamahalaang Pilipinas, ayon sa Konstitusyon sa Artikulo VII, Seksiyon 17, ito ay nasa ilalim ng direktang kontrol at superbisyon ng pangulo sa pamamagitan ng mga kalihim o miyembro ng gabinete na kanyang itinatalaga.
Pinamumunuan ng kalihim ang DSWD na hinirang ng pangulo ng Pilipinas na siya ring ikinokonsiderang alter-ego ng pangulo.
Bilang miyembro ng gabinete, ang kalihim ng DSWD ay itinuturing na kinatawan ng pangulo sa mga tungkulin at usaping nasasakop ng kanyang kagawaran. Kaya, taglay nito ang kapangyarihang maglabas ng mga kautusan tungkol sa kanilang tanggapan tulad ng mga kautusang pangkagawaran o “Department Order”. May bisa lamang ang mga kautusang ito sa departamentong sakop ng kalihim. Nagsisilbi ring tagapayo ng pangulo ang kalihim sa usapin tungkol sa kapakanan ng lipunan ng mga Pilipino at kaunlarang panlipunan.
Ayon sa Kodigo ng Pamamahala, taong 1987, nasasaad na ang kalihim ng DSWD ay may awtoridad at responsibilidad na ipatupad ang mandato ng kagawaran at ilabas ang mga kapangyarihan at tungkulin nito at sa gayun ay nagsasagawa ng pangangasiwa at kontrol sa buong kagawaran. Ang kalihim ay dapat ding direktang mangasiwa at sumubaybay sa tungkulin ng mga field offices (FO) upang matiyak ang paghahatid ng istratehikong resulta, kasama ang napapanahon, mahusay at mabisang pagpapatupad ng programa. Dahil dito, ang lahat ng mga FO ay dapat direktang mag-ulat sa kalihim.
Bukod sa pangkalahatang mandato, ang kalihim ay mayroon pang ibang mga kapangyarihan at tungkulin. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
(1) Magbuo, bumuo at magpatupad ng mga plano, programa at proyekto sa larangan ng lipunan at kaunlaran;
(2) Magpatibay ng mga patakaran upang matiyak ang mabisang pagpapatupad ng mga programa para sa publiko at pribadong serbisyong pangkalingang panlipunan;
(3) Itaguyod, suportahan at pag-ugnayin ang pagtatatag, pagpapalawak at pagpapanatili ng mga pasilidad na pangsosyal na kapakanan ng lipunan, proyekto at serbisyo;
(4) Itaguyod, patakbuhin, panatilihin at kung hindi man, suportahan ang mga pasilidad ng mga institusyon, proyekto at serbisyo para sa mga nasasakupan nito;
(5) Itaguyod, buuin at palakasin ang mga samahan ng mga tao para sa isang sistema ng pangangalaga sa sarili mula sa pinakamababang antas ng lipunan;
(6) Itaguyod, suportahan at pag-ugnayin ang mga network at pasilidad para sa pagkilala at paghahatid ng naaangkop na interbensiyon sa mga nasasakupang pangkabuhayan nito;
(7) Mag-accredit ng mga institusyon at organisasyon na nakikibahagi sa mga aktibidad sa lipunan at magbigay ng mga serbisyong pangkonsulta at impormasyon sa kanila;
(8) Magpatupad ng mga pananaliksik at pag-aaral sa mga bagay na nauukol sa nasasakupan nito;
(9) Magsimula, magsulong at magpanatili ng bilateral at multi-lateral na link para sa kooperasyong panteknikal, sa koordinasyon sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas at
(10) Maglaan ng mga serbisyong payo at bumuo at magpatupad ng pamantayan sa pagsasanay ng mga tauhan, manggagawa sa lipunan at mag-aaral at mga kalahok ng ikatlong bansa para sa pagpapaunlad ng karera at kawani sa mga aktibidad sa lipunan.
Gayunman, kalakip ng mga ipinagkaloob na mga kapangyarihan at responsibilidad sa mga nabanggit sa itaas, bilang opisyal ng gobyerno, ang kalihim ay may pananagutan bilang pinunong bayan. Ayon sa Artikulo XI, Seksiyon 1 ng Konstitusyon, sinasabi:
“SEKSIYON 1. Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan. Ang mga pinuno at mga kawaning pambayan ay kinakailangang mamalaging nananagutan sa taumbayan, maglingkod sa kanila na taglay ang pinakamataas na pakundangan, dangal, katapatan at kahusayan, manuparan na taglay ang pagkamakabayan at katarungan at mamuhay nang buong kapakumbabaan.”
Bukod dito, sa Seksiyon 18 ng naturang artikulo ay isinasaad:
“SEKSIYON. 18. Ang mga pinuno at kawaning pambayan ay may kautangang katapatan sa lahat ng oras sa estado at sa Konstitusyon at ang sinumang pinuno o kawaning pambayan na naghahangad magbago ng kanyang pagkamamamayan o magtamo ng katayuang immigrant sa ibang bansa sa panahon ng kanyang panunungkulan ay dapat lapatan ng kaukulang batas.”
Samakatwid, ang kalihim ng DSWD bagama’t, nagtataglay ng malawak na kapangyarihan ay tulad ng lahat ng opisyal at pinuno at opisyal ng gobyerno ay may pananagutan sa bayan at dapat ay maging tapat sa pagseserbisyo sa lahat ng oras.
Comments