Dear Doc. Shane, Ilang linggo na akong nakararamdam ng pagkahilo, lalo na kapag iginagalaw ko ang aking ulo. Nakapagtataka na normal naman ang aking presyon dahil nagpa-BP ako sa anak ko. Maaari ba ninyong talakayin ang posibleng sanhi nito? — Peng
Sagot
Narito ang ilan sa mga pangkaraniwang sanhi ng pagkahilo:
Problema sa mga mata. Kapag malabo ang iyong mga mata, puwede kang mahilo sa pagbabasa. Kapag madalas ang paggamit ng computer, posible rin itong dahilan ng pagkahilo. Dapat ipahinga ang mga mata at tumingin sa malayo para ma-relax ito. Makabubuti rin kung magpapagawa ng salamin o baguhin ang grado ng salamin.
Problema sa mga tainga. Nasa mga tainga natin ang vestibular system kung saan nagmumula ang pakiramdam natin sa balanse at paggalaw. Kapag may dumi o impeksiyon ito, puwede itong magdulot ng matinding pagkahilo (vertigo).
Presyon ng dugo. Kapag high blood ang pasyente, puwede siyang mahilo at manakit ang kanyang batok. Kung ang pasyente naman ay low blood, anemic at maputla, puwede rin siyang mahilo. Dapat ang blood pressure natin ay nasa pagitan ng 140/90 ang pinakamataas at 90/60 ang pinakamababa.
Nerbiyos. Kapag kinakabahan, natatakot o nakasaksi ng aksidente o kahindik-hindik na pangyayari, malaki ang posibilidad na mahilo ang pasyente. Ang tawag dito ay panic attack o nerbiyos.
Kulang sa oxygen. Madalas mahilo o mahimatay ang pasyente sa mataong lugar tulad ng simbahan, palengke, mall at iba pa. Madalas itong dulot ng matinding init ng panahon at dami ng tao. Kailangan lang magpahinga, magpahangin at madali ring babalik ang mabuting kondisyon ng pasyente.
Gayunman, mayroong mga seryosong dahilan ang pagkahilo ng pasyente tulad ng stroke at tumor sa utak. Ang stroke ay nagdudulot sa pasyente ng matinding pagkahilo na may kasamang panghihina ng ilang parte ng katawan, samantalang ang tumor sa utak naman ay nakapagdudulot ng pagkahilo na may kasamang matinding pagsakit ng ulo.
Makabubuti kung babantayan natin ang ating sarili sa iba pang mga sintomas o pagbabago. Sa pagkakataong ito, ipinapayo natin na magpakonsulta agad sa doktor upang matukoy ang dahilan ng pagkahilo, gayundin upang ma-examine ang pasyente at mabigyan ng karagdagang payo at maresetahan ng gamot kung kinakailangan.