Inaakala ng iba na mas ligtas ang pagbe-vape kaysa sa paninigarilyo. Ngunit mayroon din itong nicotine na nakakasama sa kalusugan at isa sa mga dahilan para tumaas ang blood pressure. Dahil dito, ipinagbabawal na ng pamahalaan ang paggamit ng vape sa pampublikong lugar matapos makumpirma na may menor-de-edad na namatay dahil dito. Gayundin, upang makalanghap ng sariwang hangin ang mamamayan.
Anu-ano ang mga sakit na puwedeng makuha sa pagbe-vape?
1. SAKIT SA PUSO AT BAGA. Sinasabi na kaunti lamang ang carcinogen na isa sa mga sangkap ng juice o ‘yung ipinapatak sa vape na sanhi ng pagkakaroon ng cancer. Bagama’t, kaunti ang carcinogen, kung madalas namang magbe-vape ang tao ay siguradong magkakaroon pa rin siya ng mga ganitong sakit at halos wala ring pagkakaiba sa epektong dulot ng paninigarilyo.
2. PANUNUYO NG BALAT. Tulad ng paninigarilyo, nakade-dehydrate rin ang paggamit ng vape. Ito ay dahil ang vapor o ang usok nito ay may kakayahang akitin ang tubig sa paligid kaya nakararanas ng pagkauhaw ang mga gumagamit nito. Kapag nakaranas nito, ipinapayo na uminom ng maraming tubig.
3. PAGKAHILO. Kahit mas kaunti ang nicotine na meron ang vape kesa sa sigarilyo, maaaring makaramdam ng pagkahilo kapag nasobrahan sa pagbe-vape ang tao, gayundin, kapag hindi kayang tanggapin ng katawan ang nicotine na nilalaman nito.
4. ALLERGY. Ang mga juice ng vape ay may propylene glycol (PG) at vegetable glycerine (VG). Ayon sa Food and Drugs Administration (FDA), hindi ito ligtas, ngunit ang PG ay hindi natural dahil gawa ito sa kemikal kaya ang isang epekto nito ay ang pagkakaroon ng allergies. Gayunman, ang VG ay gawa sa gulay kaya wala itong masamang epekto sa katawan.
Hindi 100% na ligtas ang pagbe-vape dahil kahit kaunti ang nicotine ay may masama itong epekto sa gumagamit. Kaya mga ka-BULGAR, iwasan natin ang paggamit nito dahil wala itong maidudulot na maganda sa ating kalusugan, dagdag-gastos pa.
Okie?