![](https://static.wixstatic.com/media/5376bf_7c9b6ab01edc475ebc0b90786674beea~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_avif,quality_auto/5376bf_7c9b6ab01edc475ebc0b90786674beea~mv2.jpg)
Nagpamalas na ng matinding pagnanais ang power duo na si Cherry Ann “Sisi” Rondina at Bernadeth Pons upang makuha ng mga ito ang kauna-unahang mga medalya sa 30th Southeast Asian Games Women’s Beach Volleyball kahapon sa Subic Tennis Court sa Zambales.
Hindi rin nagpahuli ang tandem nina Dij Rodriguez at Dzi Gervacio para walisin ang koponan ng Singapore upang makuha ang panalo para sa bronze medal match via 2-0.
Tinalo ng ‘Si-Pons’ ang tambalan nina Serene Ng at Ee Shan Lau sa iskor na 21-17 at 21-13 habang dinaig naman nina Rodriguez at Gervacio sina Eliza Chong at Gladys Lee sa 21-18, 21-16 panalo.
Bumanat ng husto ang duo nina dating UAAP champion Rondina mula sa UST at dating Far Eastern University team captain Pons sa malalakas na spikes upang selyuhan nito ang mga panalo.
“Ang sabi ko na lang sa kanila na walang susuko hanggang dulo. Sayang iyong chance natin ‘di ba nanonood iyong mga kababayan natin. Dapat ibigay na natin ang lahat lalo na pang-bronze medal ito,” pahayag ni head coach Paul Jan Doloiras.
Sapul noong 2005 Manila games kung saan lumapag sa podium finish ang bansa mula kina Heidi Ilustre at Diane Pascua para sa bronze medal finish para sa Pilipinas.
Dinala ni Rondina ang UST sa championship round sa nakalipas na 81st season ng UAAP kung saan itinanghal siyang MVP at runner-up laban sa Ateneo De Manila. Ito rin ay 4-time UAAP beach Volley MVP at champion sa UAAP.
Nagawa na ring mapagwagian nina Rondina-Pons ang 2017 Philippine Superliga Challenge Cup beach volleyball tournament habang nirepresenta nila ang bansa sa 2017 Southeast Asian Beach Volleyball Championship sa Singapore at nitong Mayo sa FIVB Beach Volleyball World Tour sa Boracay kung saan tumapos sila ng 5th place.
“Maraming salamat po sa lahat ng sumuporta at nagdasal para makuha namin itong tagumpay na ito. Ano man pong tagumpay namin ay tagumpay din po nating mga Filipino,” wika ni Doloiras.