top of page
Search

Alamin kung paano... Mga lumang gamit at kalat sa bahay na puwede pang gawing X’mas decors

Twincle Esquierdo

No Problem

Ilang tulog na lang, Pasko na. May Christmas decors ka na ba? Kaso, nagtitipid ka at walang budget, tama ba?

Lahat tayo ay gustong makatipid at humabol sa pagde-decorate. Well, siguradong mayroon tayong mga gamit na naka-stock lang at hindi natin nagagamit. Alam n’yo ba na maaari pa itong magamit at mapakinabangan?

Mga besh, puwede kayong mag-recycle at humabol sa pagde-decorate ng inyong tahanan kahit malapit na ang Pasko.

Heto ang ilang paraan:

1. BOTE. Tulad ng bote ng ketchup o wine, gayundin, kung mayroon kayong lumang krayola, tunawin ito sa loob ng bote at ikalat para malagyan ng kulay ang buong bote. Puwede rin itong spray-an sa labas ng mga kulay na tugma sa Pasko at puwedeng lagyan ng kung anu-anong design depende sa gusto n’yo.

2. HANGER. Puwede itong gawing mukha ni Santa Claus, parol o wreath na puwedeng ilagay sa harap ng pinto. Kung nais gawin ang mukha ni Santa Claus, kumuha ng cotton pillow, art paper, glue at Santa hat. Kung parol naman, puwede na itong gawing star, lagyan ng Christmas lights at oks na. At kung wreath naman, gawing bilog, lagyan ng maraming Christmas balls at puwede nang isabit sa pinto. Ang dali lang, ‘di ba?

3. DIYARYO O MAGAZINE. Maraming puwedeng gawin sa diyaryo at magazine tulad ng Christmas Tree, Christmas ball, parol at kung anu-ano pa. Kumuha lamang ng kawayan sa pagtatayo ng Christmas tree, irolyo ang mga papel o magazine na parang cone shape at saka idikit sa kawayan. Puwede rin itong bilugin para maging Christmas ball.

4. LATA. Kahit anong lata ay puwedeng gamitin tulad ng lata ng sardinas, gatas at cocktail sa paggawa ng snowman, Christmas ball, wreath at marami pang iba. Pinturahan ang mga lata para gumanda. Kung snowman ay pagpatung-patungin ang lata mula sa malaki hanggang sa maliit. Kung Christmas ball ay butasan lamang ito at lagyan ng pangsabit tulad ng yarn.

5. EGG SHELLS. Pagkatapos ninyong magluto ng itlog, huwag itapon ang egg shells dahil puwede rin itong gamitin sa Christmas decoration. Puwedeng isulat dito ang bawat letra ng “Merry Christmas” at isabit sa Christmas Tree. Ang cute, ‘di ba?

6. LUMANG DAMIT. Siguradong mayroon kayong mga lumang damit dahil nagbabago ang size ng ating katawan at hilig n'yo, kaya puwede itong gawing medyas at snowman. Konting tahi lang sa mga ito ay mayroon na kayong dekorasyon na puwedeng isabit sa Christmas Tree, bintana at pinto.

'Yan ang mga puwede pang gamitin at mapakinabangan. Maging creative lamang tayo at tiyak na ang stock natin sa bahay ay mas mapapakinabangan pa, mga besh. Kaya huwag itong itapon dahil for sure, may silbi pa ito at makatutulong upang makatipid tayo. Oks ba?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page