Beth Gelena / Bulgary Files
Nakatsikahan namin kamakailan ang singer na si John Rendez. Aside sa pagko-compose ng kanta years back, iilan lamang ang nakakaalam na nag-produce na rin ng movie si John. Siya ang producer ng sexy movie na Sindak kung saan ang mga bida ay sina Aya Medel at Rita Magdalena. Co-prod naman daw sila ni Ate Guy sa Whistle Blower.
Taon din ang binilang ng pansamantalang pagkawala sa showbiz ng singer-rapper at sa kanyang pagbabalik, folk singer na siya.
Maraming ibinahaging kuwento si John. Hindi kaila sa kanya na inili-link silang dalawa ng Superstar na si Nora Aunor. Very consistent naman si John sa pagsasabing magkaibigan lang sila. At sa tagal nga raw ng pagkakaibigan nila ay ngayon lang niya naging manager ang Superstar. Never daw siyang humingi ng pabor kay Ate Guy.
“Pero napag-isip-isip ko, mahirap din po pala ang walang manager sa ganitong industriya. Eh, si Ate Guy, ang lawak na ng experience sa showbiz at sa music industry kaya ko siya kinuhang manager,” sey ni John.
Aktibo ngayon si John as a singer sa tulong ng Star Music at ni Ate Guy. Plano raw niyang buhayin ang production outfit ng Superstar, ang NV Production.
Binabalak niyang muling mag-produce ng pelikula at may mga nakahanda na raw siyang materyales.
Tinanong namin si John kung gagawan ba niya ng script ang archrival ng Superstar na si Star for All Seasons Vilma Santos a.k.a. Ate Vi.
Pabirong sagot ni John, “Itatanong ko muna kay Ate Guy.”
Kayang-kaya rin ni John ang umarte at bagay ang kanyang character sa Ang Probinsyano. Kung papalarin daw na may mag-offer sa kanya ay tatanggapin niya.
Si John ay nominado bilang Folk Country Recording of the Year sa awiting Start All Over Again under Star Music, sa darating na PMPC Star Awards for Music sa January, 2020.